Ni: Eugene Flores
SA makabagong panahon kung saan teknolohiya ang nagpapatagpo ng pang araw-araw na pamumuhay, hindi maiwasan na maraming tao ang labis na nahuhumaling sa pagkonsumo nito. Halimbawa nalang ang social media —wala ito sa mapa ngunit dito naninirahan ang karamihan. Hindi nila alintana na kaakabit nito ang masamang epekto lalo na sa trabaho.
Ayon sa pag-aaral, umuubos ng mula apat na oras pataas kada araw ang isang Pinoy sa social media. Popular sa mga ito ang Twitter, Instagram at Facebook. Ngunit paano nalang kung ang pagkaadik sa mga ito ay nadadala na sa trabaho?
Mas aktibo sa social media kaysa sa trabaho? Hindi magandang senyales iyan, halina’t alamin kung paano ito maiiwasan.
Isapuso at itatak sa isip ang mga bagay na dapat unahin. Hangga’t maari ay huwag magbukas ng ibang tab para sa social media sites at iwanang nakabukas lamang ang email account para sa mga importanteng mensahe.
Mas makabubuti ring itago o huwag ibungad ang mga application na kadalasang ginagamit. Makatutulong ito upang mabawasan ang pagkonsumo at pagkaadik sa mga ito. Ang oras ng trabaho ay hindi oras upang tingnan kung mayroong nag-like ng picture mo o kung ano ang uso ngayon. Ang mga ganitong tagpo ay kakain lamang ng oras na dapat ay ilaan sa trabaho upang maging produktibo.
Ang labis din na paggamit ng social media ay nakahahadlang sa ninanais na promotion, dahil nababaling ang atensyon at nawawalan ng pokus sa mahalagang gawain.
Ihiwalay ang propesyonal at personal na paggamit sa social media. Lagi ring tatandaan na ang bawat ilalagay sa social media ay maaring makasira sa reputasyon ng kompanya.
Ilaan ang break time sa mas makabuluhang gawain. Mas makabubuting makipagkapwa at makipag-usap sa mga katrabaho. Maging maingat din dahil unti unti nang kinakain ng social media ang pisikal na interaksyon ng mga tao na nagreresulta sa pagkawala ng oras sa pamilya, kaibigan at katrabaho.
Ang susi sa tagumpay ay ang paggamit ng wasto sa oras kung kaya’t ugaling gawin ang mga nabanggit upang malabanan ang distraksyong dulot ng social media.