Ni: Dennis Blanco
ITONG nakaraang Oktubre 24, 2018 sama-sama nating ipinagdiwang ang ika-73 taon ng pagkakatatag ng United Nations (UN).
Ipinagdiriwang ang makasaysayang araw na ito hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa lahat ng mga bansang kasapi nito sa iba’t-ibang sulok ng daigdig. Mahalagang gunitain at ipagdiwang ang araw na ito, lalo na at nanganganib na naman na mapasabak sa malawakang digmaan ang mga makapangyarihang bansa.
Sa buong kapuluan dito sa Pilipinas, mahalaga ang pagdiriwang ng UN Day. Sa mga paaralan, pinaghahandaan ang Parade of Nations kung saan ang bawat estudyante ay kumakatawan sa isang bansa at suot ang national costume ng bansang iyon, sinasalamin at ipinakikilala sa lahat ang isang aspeto ng kultura ng bansa. Magandang ehersisyo ang UN Day para sa mga mag-aaral dahil sa natatanging araw na ito, nauunawaan nila kung paano maging bahagi ng isang mundong nagkakaisa ng adhikain —ang mapanatili ang kapayapaan.
Kaabang-abang din para sa mga kalahok na mag-aaral sa UN Day Parade of Nations ang pagtatanghal ng Mister and Miss United Nations. Kasama rin sa maghapong pagdiriwang ang paligsahan sa kaalaman, katalinuhan at pagsusulit na may kinalaman sa mga mahahalagang institusyon, tao, lugar, pangyayari, petsa at kasaysayan ng United Nations. Kasama na rin dito ang quiz tungkol sa iba’t-iba nitong sangay katulad ng UNESCO, UNICEF, FAO, WHO at iba pang mga global organization na katuwang ng UN sa pagbuo ng maunlad, mapayapa at nagkakaisang mga bansa.
Ang United Nations ay itinatag noong Oktubre 24, 1945 sa San Francisco, United States. Ang nagbunsod sa mga statesman mula sa mga pinaka makapangyarihang bansa na itatag ang pandaigdigang oranisasyon ay ang layuning maiwasan ang mga kaganapang hahantong sa digmaan. Mariing isinaad ng mga bansang ito na hindi na dapat maulit pa muli ang devastation in human lives and destruction na idinulot sa sangkatauhan ng Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa artikulong ito paglilimiin natin ang sumusunod: a) ang mga institusyon ng United Nations, b) ang mga pangunahing layunin ng UN at c) ang mga hamong kinakaharap nito sa kontemporaryong konteksto.
Simulan ang pagtalakay sa mga institusyong bumubuo sa United Nations.
Ang mga pangunahing institusyon ng UN ay ang General Assembly, ang Security Council, ang Economic and Social Council, ang Trusteeship Council, ang International Court of Justice, at ang UN Secretariat (un.org).
Ang General Assembly ang siyang pangunahing kinatawan at tagagawa ng mga batas, polisiya, alituntunin at patakaran ng UN. Binubuo ito ng lahat ng mga kasapi at miyembro ng UN. Dito nagaganap ang mga debate at pagpapalitan ng kuro-kuro hinggil sa mga mahalagang isyu kaakibat ng kapayapaan at seguridad, pagtanggap sa bagong miyembro, at pagpapatibay sa budget na nangangailangan ng two-third majority vote na tinatawag din na super majority vote.
Ang Security Council (SC) naman ay may pangunahing responsibilidad na panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad. Ito ay binubuo ng labing-limang miyembro, sampu dito ang permanenteng miyembro at lima ang di-permanenteng miyembro. Ang limang permanente miyembro nito ay ang United States, China, Russia, France, at Great Britain. Ang SC rin ang nangunguna sa determinasyon kung mayroon nga bang banta sa kapayapaan at seguridad ng buong mundo. Ito rin ang magsasabi kung ang mga kilos at gawi ng isang bansa o ilang bansang miyembro ng UN ay isang “act of aggression” o “acts of war”. Ito ang nagsusuri at nagbibigay ng mga rekomendasyon kung paano malulutas sa mapayapang paraan ang mga tunggali, pagtatalo at hindi pagkakaunawaan na kinasasangkutan ng mga bansa upang hind na humantong pa sa digmaan.
Ang Economic and Social Council naman ay ang pangunahing ahensya ng United Nations na gumagawa ng mga rekomendasyon kung paano magkakaroon ng kaunlaran sa aspeto ng ekonomiya, sosyal, at environmental na larangan at kung paano magpapatupad ng mga pandaigdigang kasunduan na may kinalaman sa kaunlaran. Ito rin ang pangunahing plataporma ng United Nations sa mga pag-aaral, diskurso at pagtuklas ng bagong kaalaman at teknolohiya sa pagkamit ng mga mithiin ng sustainable development goals (SDGs).
Ipagpapatuloy