Ni: Joyce P. Condat
ANG Pilipinas ay isang tropikal na bansa. Dahil dito, mas mataas ang ating exposure sa Ultraviolet Radiation na mula sa araw. Bukod sa araw, may mga artipisyal ding pinagmumulan ang UV radiation.
Gaano man kalaki ang nakukuha nating benepisyo at bitamina mula sa araw, hindi mahihiwalay dito ang masamang epekto nito. Ang labis ay palaging masama. Kailangan nating maunawaan kung kailan nagiging delikado ang pagbibilad natin sa araw.
Ang sobrang exposure sa UV radiation ay maaaring mauwi sa sunburn o erythema. Ito ay ang pamumula ng ating balat dulot ng pagtaas ng blood flow sa ating blood vessels. Mga bata at matanda ang may mataas na posibilidad sa pagkakaroon ng sunburn.
Ang madalas na pagbibilad sa tirik na araw ang sanhi ng premature aging ng ating balat. Normal naman na tumanda ang ating balat dala na rin ng ating edad ngunit ayon sa Environmental Protection Agency (EPA) ng Estados Unidos, 90 porsyento ng dahilan nito ay dulot ng araw.
Napipigilan din ng UV radiation ang pagtrabaho ng ating immune system upang labanan ang mga sakit tulad ng kanser. Napapahina ng radiation ang immune system. Dahil dito, nahihirapang pigilan ng ating katawan ang pagbuo ng mga non melanoma skin cancers.
Higit sa lahat, delikado sa mata ang sobrang UV Radiation.
Maaari kang magkaroon ng katarata, photokeratitis, atmacular degeneration sa labis na pagkasilaw sa UV rays.
Upang maiwasan ang mga ito, protektahan ang sarili laban sa mapanganib na UV radiation. Ugaliin ang paglalagay ng sunscreen bago lumabas ng bahay lalo na tuwing summer. Huwag kalilimutang lagyan ang iyong mukha. Magdala rin ng shades upang maprotektahan ang iyong mga mata.
Sabi nga nila, “prevention is better than cure”. Protektahan ang iyong sarili sa masamang epekto na dala ng UV radiation.