Ni: Louie C. Montemar
NOON lamang Oktubre, hayagang tinanggi mismo ni Pangulong Duterte na nagtatrabaho para sa Malakanyang ang isang tsinong nagngangalang Michael Yang. Wika pa ng Pangulo, “Cannot be, because he is a Chinese.”
Wala namang kaso kung Tsino si Michael Yang na ang tunay na pangalan ay Yang Hong Ming. Maari namang kumuha ang pamahalaan ng mga banyagang consultant para tumulong sa bayan. Subalit dapat may bidding sa proseso ng pagpili ng consultant. Ayon sa mga ulat, walang gayong bidding na naganap.
Maraming Pilipino ang walang trabaho ngayon. Kailangan pa ba talaga natin ng mga tagalabas bilang adviser, dagdag pa sa libu-libong banyagang Tsinong trabahador na nakapasok na nitong huling dalawang taon lamang?
May dalawang kontratang nagpapakita na itinalaga nga si Michael Yang bilang presidential economic adviser para sa “kanyang teknikal na kaalaman.” Babayaran lamang siya ng piso kada taon, na kukunin mula sa “maintenance and other operating expenses of the Office of the President.” Lalo lamang tayong mapapaisip sa pisong halaga na ito ng kanyang serbisyo. Ano nga ba ang talagang kapalit?
Ano nga ba ang direksiyong pang-ekonomiyang tinatahak ng bansa? Sa magkasunod na huling dalawang taon, bumagsak ng matindi ang ating bansa sa World Competitiveness Ranking ng International Institute for Management Development (IMD) na nakabase sa Switzerland. Sa pag-aaral ng IMD nakaranas ang Pilipinas ng pinakamatinding recession sa Asya, na hinila pababa ng lumalalang indexes sa turismo, trabaho, at pampublikong pananalapi.
Dagdag pa dito, nakababahala ang tinuring ng pinakahuling Labor Force Survey na inilathala sa website ng Philippine Statistics Authority: “Mas lumalaki pa ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho mula noong Enero 2018.” Isama na natin dito ang mga naging pagtaas at mga napipintong pagtaas pa ng mga presyo ng bilihin at serbisyo sa pagpasok ng Disyembre.
Ano ang lugar ng isang Michael Yang o Yang Hong Ming sa konteksto ng kasalukuyang pang ekonomikong mga usapin at higit sa lahat sa harap ng lumulubhang krisis sa paggawa sa Pilipinas? Nagsimula na ngang magtrabaho si Yang bilang Economic Adviser noon pang Enero 2018 ngunit maraming katanungang kailangang mabigyan ng tugon. Maging mas mapagmatyag tayo. Kabuhayan ng buong bansa ang nakataya.