Amyenda sa Anti-Wiretapping Law aprubado na.
Ni: Jonnalyn Cortez
INAPRUBAHAN kamakailan ng Kongreso sa pangatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na baguhin ang 53-taong-gulang na Anti-Wiretapping Law o Republic Act No. 4200.
Nakakuha ng botong 216-0-0 ang House Bill No. 8378 na naglalayong idagdag ang mga makabagong teknolohiya at magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga lalabag dito.
Matatandaang isinabatas ang Anti-Wiretapping Law noong 1965.
Benjamin Reyes inaming nahihirapan ang pamahalaan manmanan ang drug lords dahil sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Bagong amyenda
Aamyendahan ng panukalang batas ang Section 1 ng Republic Act No. 4200 upang ibilang ang pakikinig o pagtatala ng isang pribadong pag-uusap gamit ang anumang uri ng “electronic, mechanical, digital or analog phone system” at mga katulad na aparato sa listahan ng mga prohibited acts.
Sa ilalim ng nasabing batas, ipinagbabawal at paparusahan ang wiretapping at anumang paglabag na may kaugnayan sa communication privacy, maliban na lamang sa ilang uri ng kaso na may kautusan ng korte.
Bibigyan ng pahintulot ang mga awtoridad na may kaukulang utos mula sa korte na mag wiretap sa mga kaso na may kinalaman sa treason, espionage, sedition, rebelyon, kidnapping, at iba pa.
Kasalukuyang ipinagbabawal sa Anti-Wiretapping Law ang paggamit ng mga dictaphones, dictagraphs, walkie-talkie, at tape recorders. Hindi pa kabilang dito ang makabagong teknolohiya.
Nais din ng HB 8378 na gawing mas mahigpit ang parusa sa sinomang mahuhuling lumalabag sa naturang batas. Maaari silang maharap sa anim na buwan hanggang anim na taon na pagkakabilanggo na walang probasyon.
Tatanggalin naman sa pwesto kung ang mahuhuling lumabag sa batas ay isang opisyal ng gobyerno. Paaalisin naman sa bansa pagkatapos tapusin ang kanyang sentensya kung ito ay isang dayuhan.
Mga kasong maaaring gamitan ng wiretapping
Palalawakin din ng panukalang batas ang saklaw ng mga kasong pahihintulutang gamitan ng wiretapping na may kaukulang awtorisasyon mula sa korte.
Papayagan ang mga law enforcement agencies na gawin ito sa mga kasong may kinalaman sa proving war at disloyalty kung may digmaan, piracy, pag-aaklas sa karagatan, pagsasabwatan at pagpaplanong magsagawa ng rebelyon, pag-uudyok ng rebelyon, kudeta, pagsasabwatan at pagpaplanong magsagawa ng kudeta, pagsasabwatan na magsagawa ng sedition, pagnanakaw, at syndicated illegal recruitment.
Kabilang din dito ang lalabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Anti-Money Laundering Act of 2001, sa paniniktik at iba pang pagkakasala laban sa pambansang seguridad.
Pagbabawalan din ang mga public telecommunication companies at iba pang kompanya na may kaparehong negosyo na may kinalaman sa voice business at data transmission na itago ang mga impormasyon ng kanilang mga kliyente ng higit sa isang taon. Maliban na lamang kung ang mga hawak nitong records ng voice at data ay may kinalaman at paksa sa mga nakabinbing kaso.
Senator Grace Poe nagsumite ng batas na hindi sakop ng Anti-Wiretapping Law ang enforcement agencies
Pagbilang sa bagong teknolohiya
Sinabi ni dating Dangerous Drugs Board chief Benjamin Reyes na mahihirapan ang pamahalaan na manmanan ang mga drug lord sa bansa na gumagamit ng mga makabagong teknolohiya sa kanilang mga iligal na operasyon dahil sa kasalukuyang bersyon ng Anti-Wiretapping Law.
“The bill defines the current technologies that can be applied to its provisions,” paliwanag nito ukol sa panukalang amyenda. “It also protects the right of individuals because it specifies the crimes that can be wiretapped.”
Dati nang nagsumite si Senator Grace Poe ng isang panukalang batas na humihiling na payagan ang mga enforcement agencies na gumamit ng wiretap.
Seguridad sa paggamit ng Anti-Wiretapping Law
Sinisiguro ng RA 4200 na mababantayan ang constitutional right na magkaroon ng privacy of communication ang mga tao. Ipinagbabawal at paparusahan ang anumang uri ng wiretapping at iba pang gawaing may kaugnayan dito na lumalabag sa communication privacy.
“It shall be unlawful for any person, not being authorized by any party to any oral, wire, radio, digital or electronic private communication, to tap, intercept or record such communication with the use of any electronic, mechanical, digital or analog phone system, or similar devices,” nakasaad sa nasabing bill.
Ipinagbabawal naman ng HB 8378 na gawing ebidensya laban sa sinumang tao na subject ng isang komunikasyon, pag-uusap, narinig, recorded man o intercepted kung ang pagkakakilanlan ng mga ito ay hindi nakasaad sa direktiba ng korte.
Sinabi ni Rep. Michael Odylon Romero, isa sa mga principal authors ng panukalang batas, na kahit pa naging isang epektibong kasangkapan ang Anti-Wiretapping Bill sa pagpigil sa mga krimen laban sa pambansang seguridad, hindi ito maaaring gamitin sa mga serious crimes.
“Unfortunately, there are still certain crimes that are not covered under the said exceptional cases, which endanger the life and welfare of the Filipino people, particularly the youth. The present peace and order situation gives testament to this fact and thus, it is imperative for us to revisit RA 4200 so as to further enhance its effectiveness,” saad ni Romero.