MAGING mapagbigay nang walang pag-iimbot sa iyong kapwa kahit hindi Pasko.
Ni Edmund C. Gallanosa
ANG kapaskuhan ang maituturing na pinakamahalagang panahon sa ating kalendaryo. Ito marahil ang takda sa loob ng isang taon kung saan ang karamihan—mula bata hanggang matanda, ay abala sa paghahanda para sa pagsapit ng Pasko. Masaya ang tema ng panahong ito, nagagalak ang lahat, malamig ang simoy ng hangin, at maraming palamuti sa paligid kasama na ang mga nagkikinangan at maliwanag na christmas lights. Panahon ito ng pag-asa at maluwalhating buhay para sa lahat.
Sa mga nagdaang panahon, naiba ang tuon natin sa tunay na diwa ng Pasko. Makailang henerasyon na nabaling sa ibang paniniwala ang ating mga kababayan hinggil sa ano ba talaga ang kabuluhan ng paggunita ng kapaskuhan. Minsan natuon ang paniniwala natin sa pagkakaroon ng Santa Claus. Nanuot ito sa damdamin at isipan lalo na ng mga bata. Naniwala tayo kay Rudolph the red-nose Reindeer at sa mga nilalang na naglalagay ng goodies sa mga Christmas socks na isinasabit natin sa pinto ng ating mga silid. Naniniwala tayo sa pagkakaroon ng Christmas tree na punong-puno ng regalo lalo na sa pagsapit ng bisperas ng pasko.
Subalit, ilan na lamang sa atin ang nakaka-alala na bumati ng “Happy Birthday Jesus!” o ang simpleng katagang “Thank you Heavenly Father for giving us your only son Jesus.” Sa mga napulot natin at nakagisnang paniniwala natabunan na ang tunay na kahulugan ng Pasko—ang pagbigay ng Poong Maykapal sa mundo ng tangi niyang anak, si Hesukristo.
ANG maraming palamuti gaya ng mga parol at christmas lights ay nagpapa-alala sa atin ng kabutihan at kaluwalhatian ng Panginoon.
Maluwalhating panahon
Ang pasko ay panahon ng kaluwalhatian. Abala ang tao sa panahong ito sa samu’t-saring paghahanda ng mga bagay—mula sa pagpapaganda ng bahay sa pagdating ng mga bisita at kamag-anak, mga ihahandang pagkain, pagdalo sa mga Christmas party, pagbili ng mga personal na gamit at damit, pag-aantay sa bonus, o paghanda ng pangregalo.
Magkaganunpaman, matuon sana ang pagiging abala sa katawan at isipan sa tunay na diwa hatid ng kapaskuhan, at iyon ang paggunita sa pagsilang ni Hesukristo sa Betlehem. Isipin sana natin na buong galak nating ginagawa ang mga bagay-bagay hindi lamang dahil sa paghahanda sa mga materyal na bagay, kundi sa kagalakang dumating ang kaisa-isang anak ng Banal na Diyos sa ating buhay na siyang ating tagapagligtas.
Sa pag-aasikaso, ibaling ang isipan kay Hesukristo, sapagkat iyon lamang ang tunay na paraan upang maramdaman ang diwa ng kapaskuhan. Ihalintulad kay Hesus ang tamang pag-uugali—puno ng pagmamahal sa kapwa at hindi makasarili.
Maging instrumento tayo ng kaniyang pagmamahal sa kapwa—kung ano ang turo ng ating Tagapagligtas ay iyon ang ating iasal higit sa lahat sa panahon ng kapaskuhan. Mahalaga ang buwan ng kaniyang kapanganakan—huli man ito sa buwan sa kalendaryo, Maaari itong ituring na pagsisimula sa ating buhay.
Kalimutan ang pangsariling intensyon. Maghanap ng matutulungan. Ibaling ang inyong enerhiya at panahon sa pagtulong lalo na sa mga kapus-palad. Ngayong Pasko, marami sa ating paligid ang mangangailangan ng maayos na damit, matutuluyan, maski ang simpleng pantawid-gutom. Maaari ninyo silang tulungan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo para sa kanila. Ang pagtitimpi-timpi sa pagbili ng materyal na bagay bagkus ibaling ang paggastos sa mga nangangailangan ay malaki ang maitutulong. Ang kaunting sakripisyo, marami ang mabibiyayaan, isa na ang magandang pakiramdam sa sarili.
MAAGAP pa lamang ay turuan na natin ang ating mga anak ng tunay na diwa ng Pasko, higit sa lahat kung sino si Hesus sa buhay natin at sa mundong ibabaw.
Ang Pasko ay panahon ng kapatawaran
Isa sa pinakamahalagang magagawa lalo na sa panahon ng kapaskuhan ay ang matutong magpatawad. Sa mga nagkasala sa inyo, batiin sila at matutong magpatawad. Kalimutan na ang mga maling bagay na nagawa sa’yo, sinasadya man siya o hindi. Aalalahanin din natin na hindi tayo perpekto, sa buhay natin nagkasala din tayo sa iba o nakagawa ng hindi maganda sa kapwa. Sigurado ako, may mga nagpatawad din sa atin—nararapat lamang na ganun din ang gawin, ayon na rin ‘yan sa turo ni Hesus.
Gunitain din ang magandang pinagsamahan sa mga kaibigan. Ang mga matagal nang hindi nakita, gumawa ng paraan na makapagpaabot man lamang ng mensahe, o personal silang dalawin. Masarap gunitain ang mga magandang pinagsamahan sa panahong ito. At ganun din, ayusin kung may sama ng loob sa isa’t isa at kalimutan na ang hindi magandang nakaraan. Sa mga kamag-anak, dalawin sila at magbigay ng respeto. Gaya nga ng turo ni Hesukristo, mas lalong maging abala at interesado sa mga tao, imbis na maging abala sa mga materyal na bagay.
Ang mga materyal na bagay, nalalaos, nasisira, naluluma. Ang magandang itinuring sa kapwa—dala-dala bilang matamis na ala-ala habang ika’y nabubuhay.
Ang paggunita rin sa panahon ng kapaskuhan ay pagsunod din sa turo ng ating Tagapagligtas. Sa mga asal na ganito, ang magpatawad at magbigay pagpapahalaga sa kapwa ay dumaragdag sa liwanag ng paggunita ng Pasko. Ang diwa ng Pasko ay mas makabuluhan sa ganitong paraan; mas madarama natin ang presensiya ng ating Panginoong Diyos sa buwan ng kapanganakan ni Hesukristo.
Ang magbigay nang walang pag-iimbot
Isa sa hindi mawawalang kaugalian tuwing kapaskuhan ay ang pagbibigay ng regalo sa ating mga minamahal sa buhay o sa mga kakilala. Ang tamang pagbibigay ay ‘yung hindi naghahangad ng kapalit, subalit nagpapasalamat naman nang lubos kung sakaling may matatanggap. Ika nga ng isang youth leader na nakaringgan ko sa isang exchange gift ng isang Christmas party, sabi niya ay “It’s the essence of giving, that counts the most. Not the receiving.” Isipin ang pagtitiyaga at malasakit ng nagbigay sa iyo ng regalo, subalit higit sa lahat, mas mainam na magbigay ng kusa sa loob kaysa mag-antay ng tatanggapin.
Gaya ni Hesukristo, inialay niya ang kaniyang buhay. Tulad ng pagbigay ng regalo na walang katumbas ang halaga—tulad ng tunay na pakikipagkaibigan, matapat na anak sa magulang, o pagiging mabuting kapatid. Sa ganitong paraan, nahahalintulad tayo sa ginawa ni Hesus na nag-alay ng kaniyang buhay nang walang pag-iimbot.
Gaya ng tatlong hari, sinundan ang maliwanag na bituin para matunton ang sabsaban kung saan ipinanganak si Hesus. Nagbigay galang sila sa Tagapagligtas at nag-alay sila ng kani-kanilang regalo. Lumuhod ang tatlong hari bilang pagbigay respeto. Tulad nila, sundan lamang natin ang pinakamaningning na bituin patungo sa makabuluhang pagdiriwang ng kapaskuhan, ‘yan si Hesukristo.