Ni: Dennis Blanco
Ayon kay Rafe Bartholomew sa kanyang libro na pinamagatang “Pacific Rim: Beermen Ballin’ in Flip-Flops in the Philippines’ Unlikely Love Affair with Basketball,” ang Pilipinas ay isang “basketball crazy republic” kung saan ang football, volleyball at baseball ay pangalawa lamang kumpara sa basketball na itinuturing na pangunahing laro. Sadyang napakahilig ng mga Pinoy na maglaro at manood ng basketball.
Nandiyan ang Philippine Basketball Association (PBA) sa ating bansa at ang National Basketball Association (NBA) sa Estados Unidos bilang mga professional leagues na kung saan hinahangaan ang mga sikat na basketbolista tulad ni June Mar Fajardo, Jayson Castro at Paul Lee sa PBA at LeBron James, Stephen Curry and Kevin Durant sa NBA. Hindi rin pahuhuli ang mga amateur leagues na kinabibilangan ng mga collegiate leagues tulad ng Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association of the Philippines (NCAA).
Itong mga nakaraang araw ay nasaksihan ng madlang Pilipino ang FIBA Asian Men’s Qualifier kung saan ang Smart-Gilas Philippine Men’s Basketball team ang siyang nagsilbing host sa kalabang Kazakhstan at Iran. Nadurog ang puso ng Pinoy fans nang magkasunod na nabigo ang kanilang pambansang koponan sa Kazakhstan at Iran bagamat mayroon itong homecourt advantage at naglalaro sa harapan ng kanilang mga kababayan.
Kung ang kampanya ng Smart-Gilas ay istorya ng kabiguan, ang katatapos na UAAP Men’s Basketball Championship ay kwento ng pananalig at tagumpay. Pagkatapos ng tatlumpu’t-dalawang taon ay muling nakabalik ang University of the Philippines Fighting Maroons sa finals laban sa defending champion na Ateneo de Manila University Blue Eagles. Bagamat natalo ang UP sa ADMU ay nagsilbi itong kuwento ng inspirasyon ng paghango mula sa ibaba patungo sa rurok ng tagumpay. Matatandaan na mayroon ding nakaraang season kung saan ay wala silang naipanalo o nakapanalo man lang ng isang game. Subalit sa suporta ng kanilang mga alumni, fans at ng buong UP community, kasama na ang pito pang constituent universities nito sa buong bansa, muling nakabalik ito sa UAAP finals matapos nitong talunin ang twice-to-beat na Adamson University Soaring Falcons sa dalawang makapigil hiningang laro na itinuturing na isa sa mga pinakamagandang game sa kasaysayan ng UAAP.
Subalit ang sadyang nagpaigting sa matagumpay na kampanya ng Fighting Maroons ay ang mga salitang “Atin ito. Papasok ito” na namutawi sa labi ng kanilang team captain at inspirational leader na si Paul Desiderio noong laro ng Maroons laban sa UST Growling Tigers, ang unang laro nila nung nakaraang taon, na kung saan may maliit na segundo na lang ang natitira at kailangan ang three point shot para manalo na nagawa ngang ibuslo ni Desiderio. Mula noon, ang salitang “Atin Ito” ang nagpataas ng kumpiyansa at pananalig ng koponan na lahat ay posible kung aakuin nito ang kakayahan at responsibilidad na manalo bilang isang nagkakaisa at nagdadamayang koponan.
Sa huli, ay aking napaglagom na ang mga katagang “Atin Ito” ay sumasagisag na gawin at kamtin ng may paninidigan ang mga adhikaing nararapat ay para atin nang makita ko ang isang placard na hawak-hawak ng mga fans ng UP Fighting Maroons habang nanood ng laro na may mensaheng, “Atin Ito, West Philippine Sea”, “Atin Ito, Human rights”. Samaktuwid, ang katagang “Atin Ito” ay puwedeng sumalamin sa isang pambansang damdamin na nagnanais ng hustisya at katarungan na sadyang nararapat akuin nino man na sa palagay nila ay sadyang nararapat na ibigay para sa kanila bilang mamamayan sa ngalan ng pambansang soberaniya at pambansang kapakanan. Atin Ito. Pilipino tayo.