Ni: Louie Montemar
MAY magandang kasabihan sa Inggles: Politicians are like diapers: they should be changed often, and for the same reason.” Sa Filipino, ang mga politiko ay gaya ng lampin, dapat silang palitang madalas at sa kaparehong kadahilanan.
Magkano na nga ba ang disposable lampin ngayon? Ang mga politiko, libre lang; lalo na pag eleksiyon, ikaw pa lalapitan at may mga giveaways pa!
Ang problema, kapag nakaupo na, at nagkamali tayo ng pagpili, mismong buhay natin at kalidad ng buhay ng bayan ang nakataya. Tila bumili tayo ng isang bulok na pagkaing sisira sa ating tiyan at nakalalason.
Ayon sa isang ulat na lumabas noong 2014, aabot sa 19.34 trilyong piso (hindi lamang bilyun-bilyon!) ang kabuuang nawala mula taong 1960 hanggang 2011 sa kaban ng bayan dahil sa pangungurakot at katiwalian sa pamahalaan. Ito ang epekto ng pagpili sa mga maling pangalang ilalagay sa balota. Ito ang epekto ng pagbili sa mga pangako at ideya ng mga tradisyunal na politiko na karaniwa’y mula sa mga pampulitikang dinastiya at mayayama’t kilalang pamilya.
Disposable ang usong mga lampin ngayon. Dati ay nilalabhan lamang ang telang lampin kapag nadumihan na. Ang tunay na lamping disposable ay di maganda sa kalikasan, pero ang politiko talagang kailangang gawing disposable. Kapag nadumihan na ito, mahirap nang pagkatiwalaan.
Sa puntong ito, tignan natin ang kaso ni Bong Revilla. Kahit ano pang paliwanag, malinaw na may pumasok na pera sa bank accounts ng mga Revilla. Saan nanggaling ang milyun-milyong pondong iyon na nagkataon namang kapareho ng mga halagang nasa ledger ni Luy na tauhan ni Janet Napoles? At si Cambe na susing tauhan ni Revilla ay nagkasala at maaaring dinaya lamang ang pirma ng Senador?
Kahit ano pang sabihin ng mga Revilla at ng mga sumusuporta sa kanya, may milyun-milyong transaksiyon na dumaan sa tanggapan niya nang hindi niya nalalaman at sangkot ang kanyang tinyente. Kung isa siyang appointee, pinagbitiw na siya ng nagtalaga sa kanya. Kung may delicadeza siya, pwede nga siyang magbitiw bilang Senador at humingi ng tawad sa atin sa kanyang pagkukulang at kahinaan sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Ngayong malapit na naman ang halalan, paglimian nating maigi ang mga ganitong bagay. Tayo ang pumipili at bumibili ng lampin. Palitan ang may dumi na at dungis. Bakit pa tayo bibili ng nagamit na? Hindi nalalabhan ang integridad at pagtitiwala.