Kongreso inaprubahan na ang 2019 budget bill.
Ni: Jonnalyn Cortez
IPINASA kamakailan ng Kongreso, sa pangatlo at panghuling pagbasa, ang bersyon nito ng ₱3.757-trillion 2019 budget.
Nakakuha ng botong 196-8 ang General Appropriations Bill (GAB) o House Bill No. 8169 ilang araw bago hilingin ni Senate President Vicente Sotto III na aprubahan ito ng mas maaga kesa sa target nitong Nobyembre 28.
Kumilos ang kongreso bunsod umano ng takot na muling gamitin ang 2018 budget kaya maagang inaprubahan ang bagong budget bill isang buwan matapos itong aprubahan sa pangalawang pagbasa at bago sumapit ang break ng Lower House sa Disyembre 12.
Tito Sotto nais suriin muna ang 2019 budget bill.
Alokasyon ng budget
Nakalaan ang ₱659.3 bilyon ng budget para sa sektor ng edukasyon. Para sa Department of Education (DepEd) ang ₱528.8 bilyon dito, ₱65.2 bilyon para sa State Colleges and Universities, ₱50.5 bilyon para sa Commission on Higher Education (CHED) at ₱14.8 bilyon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Makakuha naman ng ₱555.7 bilyon, na pangalawa sa pinakalamalaking budget, ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Tumaas ito ng 25.8 porsyento kumpara sa dating budget na ₱441.8 bilyon.
Makakatanggap naman ng pangatlo sa pinakamalaking budget na ₱225.6 bilyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG). Mataas naman ito ng 30.9 porsyento o ₱53.2 bilyon sa dati nitong budget na ₱172.4 bilyon.
Ilan pa sa mga nangungunang makakatanggap ng malaking budget ay ang Department of National Defense (DND) na ₱183.4 bilyon; Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ₱173.3 bilyon; Department of Health (DOH), ₱141.2 bilyon, kabilang na ang ₱67.4bilyon; para sa Philippine Health Insurance Corporation (PHIC); Department of Transportation (DOTr), ₱141.4 bilyon; Department of Agriculture (DA), ₱76.1 bilyon; Judiciary, ₱37.3 bilyon; at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ₱32.3 billion.
Tatanggap naman ng ₱909.7 bilyon ang programang imprastraktura ng gobyerno upang ipagpatuloy ang malawakang Build, Build, Build Program.
Pangulong Rodrigo Duterte may mga hiling na idagdag sa 2019 budget bill.
Hiling ng Pangulo
Sinasabing may ilang akusasyon mula sa ilang mga senador na ang pagkaantala ng pag-apruba ng 2019 budget ay dahil sa “congressional insertions.”
Pinabulaanan naman ito ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. sa isang press conference at sinabing may ilang hiling si Pangulong Rodrigo Duterte na idagdag sa budget.
“We are shifting to cash-based budgeting; it is something new… so we’re swamped by a very unusual number of requests coming from the executive, even coming from the President himself. May mga request na gustong ilagay doon sa version ng House,” anito.
Kabilang sa mga hiling ng Presidente ang mga naipangako nito sa mga mamamayan tuwing bibisita sa iba’t-ibang parte ng bansa.
“(The President) has been going around various military camps, yung mga promises niya on housing and public works na naipapangako niya kapag umiikot siya,” dagdag ng representante ng unang distrito ng Camarines Sur.
Sinabi rin ni Andaya na halos ₱2 bilyon ang hiling ng Pangulo na ilaan para sa pabahay ng mga military personnel.
“[The House] is tying [its] best to keep the budget in line with the vision of the President,” ani Andaya.
Bukod sa Pangulo, meron din umanong mga hiling na idagdag sa budget ang mga miyembro ng Gabinete.
Realignment ng pork barrel
Kasama rin diumano sa 2019 budget and ₱53 bilyon na pang pondo sa pork barrel na binago naman mula sa appropriations ng DPWH.
Inilahad ni Andaya ang realignments bilang amendments na mula sa committee on appropriations. Mabilis na ibinaling ang naturang halaga sa mga programa para sa mahihirap at pangkalusugan ng gobyerno.
Mapupunta ang ₱5 bilyon dito para sa National Disaster Risk Reduction (NDRR) at Management Fund para sa rehabilitasyon ng mga lugar na lubhang sinalanta ng bagyong Ompong; ₱3 bilyon naman ay para sa Health Human Resources Development ng DOH upang solusyunan ang malawakang layoff ng 6,000 na nurse, doktor, at dentista; ₱3 bilyon para sa Technical-Vocational Laboratories sa ilalim ng DepEd, at ₱1.2 para sa Capital Outlay of State Universities and Colleges (SUCs).
Kabilang din dito ang ₱11 bilyon para ayusin ang mga daan upang maibsan ang trapiko sa mga lungsod; ₱10 bilyon para sa mga kilalang daan sa tourism areas; karagdagang ₱10 bilyon para sa mga daan sa mga lugar ng kalakalan, economic zone, livelihood centers at markets at ₱5 bilyon para sa farm-to-market roads (FMRs) ng Department of Agriculture (DA).
Pagsang-ayon ng Senado
Kailangan namang gumawa ng Senado ng sarili nitong bersyon ng 2019 budget bill bago ito lagdaan ni Pangulong Duterte. Maaari umanong gumamit ng reenacted budget ang gobyerno kapag nabigo itong mapasa ang 2019 bago matapos ang taon.
Mayroon na lamang umanong kakaunting oras na natitira sa Upper House upang suriing mabuti ang naturang budget bago ang nakatakdang schedule ng legislative session sa December 14.
Binigyang diin ni Sotto na hindi nito papayagan ang madaliang pagpasa ng panukalang 2019 national budget.
“We have to scrutinize. It’s the people’s money,” paliwanag nito. “We cannot be complacent or reckless about its passage. It’s not our fault if we suffer a re-enacted budget.”
Kinumpirma naman ni Andaya na hindi magkakaroon ng delay sa pagpasa ng bagong budget at hindi gagamit ng re-enacted budget ang gobyerno sa susunod na taon.
“Wala nang delay, just to allay the fears na magkakaroon ng re-enacted [budget] or we’re stalling. Wala pong ganun … And to make it clear, we will not have a reenacted budget for next year,” pagsisiguro nito.