Sina Pangulong Rodrigo R. Duterte at Chinese President Xi Jinping, pagpapakita ng lumalakas na ugnayan ng dalawang bansa.
Ni: Quincy Joel Cahilig
Tuloy-tuloy ang kaliwa’t kanang mga infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte administration. Nakapaloob sa PHP 8.7 trillion na malawakang infrastructure program ang pagpapatayo ng mga kalsada, tulay, paliparan, train lines, irrigasyon, at dam sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Sa pagtatapos ng mga proyekto sa 2022, inaasahang bibilis pa ang paglago ng ekonomiya ng Plipinas.
Galing sa buwis, official development assistance (ODA), at commercial loans ang pondong ginagamit sa pagsasakatuparan ng Build, Build, Build projects. Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, sa ganitong paraan ay mas madali at mabilis ang implimentasyon kumpara sa Private Public Partnership (PPP) funding na ginawa ng nakaraang administrasyon para sa infrastructure projects.
“The ODA plus a hybrid, that is generally what we are doing. There are proposals for PPP. We are entertaining those proposals. Our method of using government financing is working, it’s faster. We are pushing as quickly as we can. I think it’s moving more quickly,” wika ni Dominguez.
Isa ang China sa mga bansang pinanggagalingan ng mga loan pangtustos sa Build Build Build projects. Hindi lingid sa karamihan na blooming ang relasyon ngayon ng dalawang rising economies sa Asia. Ito ay sa kabila ng mga isyu ng pang-aagaw ng China ng teritoryo at yamang-dagat sa West Philippine Sea, pagpuslit ng mga bilyong-pisong drug shipments dito sa bansa mula China, at ang pagdagsa ng mga illegal Chinese workers sa Pilipinas.
Nguni’t batay sa mga report, mas mataas ang interest rates ng loans mula China kumpara sa ibang mga bansa. Isang halimbawa ang Chico River Irrigation Project, kung saan pinautang ng China ang pamahalaan ng P3.135 bilyon na may yearly interest na 2 percent, na magma-mature sa loob ng 20 taon, kasama na ang pitong taon na grace period.
Noong 2016, nag-offer ang Beijing ng $9 bilyong halaga ng ODA sa Pilipinas. Kabilang dito ang mga sumusunod na proyekto: New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project, South Long Haul Project ng Philippine National Railway, Davao-Samal Bridge Construction Project, Ambal-Simuay River at Rio Grande de Mindanao River Flood Control Projects, Pasig-Marikina River at Manggahan Floodway Bridges Construction Project, Subic-Clark Railway Project, Safe Philippines Project Phase 1, at Rehabilitation of the Agus-Pulangi Hydroelectric Power Plants Project.
Sa state visit ni Chinese President Xi Jinping sa bansa kamakailan, 29 na kasunduan naman ang pinirmahan sa pagitan ng Manila at Beijing. Kasama sa mga ito ang ilang proyekto tulad ng Davao City Expressway Project at Panay-Guimaras-Negros Island Bridges Project.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa P51.3 bilyon na loan ng Pilipinas sa Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa first phase ng subway system. Ang loan sa JICA ay may 0.1 percent interest rate at payable sa loob ng 40 na taon, na may 12-year grace period.
Ang mapait na sinapit ng Sri Lanka
Dahil dito, marami ang nangangamba na baka ginagamit ng China ang debt trap diplomacy para ibaon sa pagkakautang ang Pilipinas hanggang sa mapilitan ang gobyerno na ipambayad sa kanila ang ilang bahagi ng ating teritoryo.
May posibilidad na sapitin ito ng Pinas dahil ganoon ang nangyari sa Sri Lanka. Pinautang ng China ang bansa ng $1.1 bilyon para sa pagtatayo ng Hambantota port, na pinangunahan ng isang Chinese contractor. Dahil nahirapan ang Sri Lanka na bayaran ang loan, napilitan nitong ipa-lease sa China ang port sa loob ng 99 na taon. Bagay na itinuturing ng mga eksperto na banta sa soberanya ng Sri Lanka at ayon sa mga ulat, nagtatayo na ang China ng mga pasilidad dito na parte ng kanilang Belt and Road Initiative.
Babala ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano, may nakatagong layunin ang China sa pagpapautang nito sa Pilipinas para mapondohan ang Build Build Build.
Naniniwala si Magdalo party-list Representative Gary Alejano na ang Build, Build, Build ay bahagi ng Belt and Road Initiative, na naglalayong gawing pinakamalakas na bansa sa buong mundo ang China pagsapit ng 2049. Nakapaloob dito ang pagpatatatag ng trade and infrastructure network na mag-uugnay sa Asia, Europe, at Africa. Aniya, nakita ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang makasali ang bansa sa naturang hakbangin ng China, na isang rising superpower.
Babala ng mambabatas, hindi dapat maging kampante ang gobyerno sa tulong na ibinibigay ng China dahil isa lamang itong pagbabalat-kayo.
“Kunwari nagbibigay ng suporta pero the main reason noon is to link these countries to China and to pull them into their own influence thereby removing them from their competition which is the United States,” aniya. “This is the power struggle between the United States and China, the United States, being an established power, challenged by a rising power, China. Nagkataon lang na yung Pilipinas, nandun sa gitna.”
Pinas, di masisilo
Sa gitna ng mga pangamba, mismong China na ang nagpahayag na imposible para sa Pilipinas na mahulog sa debt trap. Sa halip ay malaking tulong pa ang maidudulot ng naturang loans sa bansa.
“China’s loans only account for a very limited share of the Philippines’ foreign debts. It’s impossible for the Philippines to fall into the so-called “debt trap” due to these loans,” wika ni China Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang.
“We believe the relevant projects will further improve the livelihood and boost economic growth of the Philippines, providing new impetus for its national development,” dagdag pa ni Geng.
Siniguro din ng mga economic manager ng Duterte Administration na di tuluyang malulugmok sa utang ang bansa.
“This is totally unfounded. The financing we availed of are soft loans at the lowest possible interest rates and the longest possible term arrangements,” wika ni Dominguez. Ipinaliwanag din niya na, sa pagtatapos ng Duterte administration, ang magiging estimated debt ng Pilipinas sa Chinese government ay nasa 4.5 porsyento lang ng kabuuang utang ng bansa.
Sinalag din ni Budget Secretary Benjamin E. Diokno ang mga alegasyon na papunta ang Pilipinas sa patibong na pautang ng China at sinabing maingat ang gobyerno pagdating sa loans.
“We’re very careful. We have a very rigorous process. The list of projects came from us, not from them. We have a cut-off, the project has to have an economic internal rate of return of at least 10%. If the economic rate of return exceeds the cost of borrowing, it’s a go, it makes sense. The rate of return (points to the) social worthiness of the projects,” wika ni Diokno.
Paliwanag pa ng budget secretary, kakayanin ng Pilipinas na i-absorb ang mga foreign loans dahil sa napakababang debt-to-gross domestic product ratio. Aniya, ang kabuuang utang ng bansa ay nasa 42.1 porsyento ng GDP, na inaasahang babagsak sa 37.9 porsyento sa pagtatapos ng Duterte admin.
Dagdag pa niya, maganda ang naging koleksyon ng buwis ngayong taon kaya mataas ang kumpiyansa na di lalampas sa 3% of GDP ang fiscal deficit ngayong 2018 sa kabila ng malakihang paggastos ng gobyerno sa pagtatayo ng mga infrastructure.
“We’re collecting more. Since revenue will be much higher due to the Christmas season, we usually collect more. We front-loaded our expenditures so we’re not going spend so much in the fourth quarter. So there’s no danger that we will breach our 3% deficit to GDP ratio,” wika ni Diokno.