Ni: Jonnalyn Cortez
HINDI man napabilang sa walong official entries ng 2018 Metro Manila Film Festival, umani naman ng papuri ang pelikulang ‘Eerie’ sa 29th Singapore International Film Festival na pinagbibidahan ni Bea Alonzo at Ms. Charo Santos-Concio.
Sa katunayan, napili ang Pilipinas bilang Country of Focus sa naturang selebrasyon.
Naniniwala si Bea na mayroong rason kung bakit hindi napasama ang kanilang pelikula sa 2018 MMFF, at mapalad na may maganda pa ring kinahinatnan ito.
“I’m sure they have their reasons and feeling ko mayroon ding rason sa parte namin para di mangyari yun,” paliwanag nito sa isang panayam sa PEP.ph. “Baka it’s for the best.”
Natutuwa naman ang Kapamilya star sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa Eerie nang ipalabas ito sa 29th SIFF.
“Maganda yung pagtanggap ng mga tao sa Singapore,” pahayag nito. “Very proud ako as Filipino and as a Kapamilya, alam ko na magiging maganda yung pelikula pero di ko alam na ganun ang magiging effect niya sa mga taong nakapanood.”