Ni: Jonnalyn Cortez
NAGSALITA si Marco Gumabao ukol sa biglaang pag-alis ni Diego Loyzaga sa afternoon soap nitong Los Bastardos.
Kinumpirma ni Marco na hindi na mapapanood si Diego sa naturang palabas ng ABS-CBN pagkatapos biglaang patayin ang kanyang character.
“If you ask me kung nagkaroon ba ng signs sa taping, wala. Sobrang gulat na gulat ako,” ani Marco sa isang panayam sa presscon ng pelikulang Aurora kasama si Anne Curtis.
Hindi naman nagbigay ng kumpletong detalye ang Kapamilya star ukol dito at sinabing nalaman lamang n’ya ang balita sa make-up artist ng anak ni Cesar Montano at Teresa Loyzaga.
“Parang sinabi niya sa akin, ‘Kuya, hindi na makakapag-taping si Diego,’” pagkukwento nito. “So, akala ko, ‘Anong nangyari? Anong ginawa niya? May kaaway ba siya sa staff?’”
Agad naman nitong tinawagan ang mga co-stars na si Jake Cuenca at Albie Casiño upang sabihin ang balita, at pawang lahat sila ay nataranta.
“It was, like, 2 a.m., ‘tapos may taping kami ng 7 a.m. that same day, so we were all worried. We were scared kung anong mangyayari,” saad nito. “Siyempre, lima kaming magkakapatid dito and you’d tell us, mababawasan kami ng isa?”
Magkakapatid si Marco, Diego, Albie at Jake sa istorya ng Los Bastardos. Kasama rin nila rito ang baguhang si Joshua Colet.
Bunsod nito, inamin ni Marco na mahirap para sa kanila na tanggapin ang biglaang pag-alis ni Diego sa teleserye.