Ni: Dennis Blanco
ANG mga bata ay sumasalamin sa kalagayan ng lipunan. Sa mga mata nila makikita natin ang pag-asa at pangarap nating minimithi para sa magandang bukas. Mayroon ding kasabihan na “There is a child in each one of us,” na hindi dapat mawala habang tayo ay nabubuhay.
Para lubusan nating mapagtanto ang kahalagan ng mga bata, kailangan nating tuklasin ang kanilang magagandang katangian na dapat na isaisip at isabuhay ng mga nakakatanda. Ito ang magtuturo sa atin na punan ang ating kahinaan mula sa katangiang dapat tularan mula sa mga bata.
Una, ang mga bata ay madaling humingi ng tawad at magpatawad. Likas ito sa kanila at nagmumula sa kanilang kababaang-loob. Makakakita tayo ng mga batang nag-aaway kanina ngunit magkabati na agad makalipas lamang ang ilang minuto. Hindi sila nagtatanim ng sama ng loob nang matagal, sa halip ito ay kanilang kinakalimutan upang makapagpatuloy sa kanilang pakikipagkapwa.
Pangalawa, ang mga bata ay palaging may pag-asa na nagbubuhat sa kaibuturan ng kanilang puso na umasa sa mga taong mahal nila sa buhay at sa Maykapal. Ang pagkilanlan na kailangan nilang humingi ng tulong at gabay sa iba ay pag-amin na sila ay may kahinaan na maari lamang tugunan ng pag-ibig at pananamplataya. Umaasa sila sa pagmamahal ng kanilang mga magulang at Panginoong Maykapal dahil alam nilang hinding hindi sila nito pababayaan kung may pagsubok silang kinakaharap dahil may mga tao at Diyos na tutulong sa kanila para malutas ang kanilang problema.
Pangatlo, ang mga bata ay tapat at totoo, hindi sila mapagbalatkayo o mapangibabaw. Nagsasabi sila ng katotohanan at nagtatanong kung hindi nila ito alam. Kaya ang mga pahayag ng mga bata ay tinatanggap na walang halong pagdududa dahil sila ay hindi sanay magsinungaling.
Panghuli, ang mga bata ay wagas ang puso at isipan, hindi nag-iisip o gumagawa ng masama sa kanilang kapwa. Sila ay masayahin sa piling ng kanilang mga kalaro na nakabatay sa kapatiran at pakikipagkaibigan. Malinis ang kanilang hangarin na di kayang dungisan ng pagnanasa sa kapangyarihan, kasikatan, kayamanan at laman.
Ang mga katangiang ito ang mga dahilan kung bakit mahalaga na pangalagaan ang mga karapatan ng bawat bata. Ang ilan sa mga karapatan ito ay a) maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad, b) magkaroon ng tahanan at pamilyang mag-aaruga sa kanila, c) manirahan sa payapa at tahimik na lugar, d) magkaroon ng sapat na pagkain, malusog at aktibong katawan, e) mabigyan ng sapat na edukasyon, f) mapaunlad ang kanilang kakayahan, g) mabigyan ng pagkakataong maglaro at maglibang, g) mabigyan ng pagkakataon laban sa pang-aabuso, panganib at karahasan, h) maipagtanggol at matulungan ng pamahalaan at, i) makapagpahayag ng sariling pananaw.
Ang mga karapatang ito ang dapat pangalagaan ng bawat institusyon ng lipunan tulad ng pamahalaan, pamilya, simbahan, paaralan, media, ganun na rin ng mga pulis at militar. Ang mga karapatang ito ang magsisilbing tanggulan ng mga bata upang hindi sila maging biktima ng karahasan, pang-aabusong seksuwal o pisikal, at pag-lapastangan sa buhay at dangal. Pangalagaan ang karapatan ng bawat batang Pilipino tungo sa mapayapa at makatarungang lipunan.