NI: Jonnalyn Cortez
INAMIN ni Maine Mendoza na naiilang pa rin itong tawaging “Phenomenal Star” sa grand media icon ng pelikulang Jack Em Popoy: The Pulis credibles kasama sina Vic Sotto at Coco Martin sa Cities Events Place kamakailan.
“Siguro po iba yung tingin ko sa sarili ko,” pag-amin ng dalaga sa harap ng press.
“Saka very surreal pa rin sa akin kung ano ang nakikita ng mga tao sa akin.”
Dagdag pa ni Mendoza, nahihiya ito na bansagan ng naturang pagkilala sa kabila ng mga sinasabi ng kanya ng mga bashers.
“Sinasabi ko naman na ako yung unang manlalait sa sarili ko. Kasi alam ko yung flaws ko, yung pagkukulang ko,” paliwanag nito.
Wala naman itong nakikitang masama sa pagkailang na tawaging Phenomenal Star dahil na rin napapanatili nitong grounded ang kanyang sarili at hindi agad naniniwala sa mga sinasabi ng mga tao.
“Ganun din po talaga siguro ang personality ko,” dagdag pa niya.
Kabilang ang pelikula nina Mendoza, Sotto, at Martin sa entries ng darating na Metro Manila Film Festival 2018 na ipapalabas sa Disyembre 25.