Ni: Louie C. Montemar
“Remit, Patronize, and Sell” (RPS) — magpadala, itangkilik, at ibenta. Ang RPS, ayon sa yumao kong kaibigang si dating Ambassador Roy P. Señeres ay tungkol sa kung paano nakakatulong o makatutulong ang mga Pilipinong nasa ibang bansa, lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFW), sa kanilang inang bayan.
Magpadala. Naiisip ba ng ating mga OFW na hindi binibilang bilang bahagi ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang kanilang kinikita? Gayunpaman, bilang bahagi ng kabuuang gross national product (GNP) at lalo na sa pamamagitan ng pagpapadala sa ating bansa ng bahagi ng kanilang kita, nakakatulong ang mga OFW upang mapanatiling mas buhay ang ekonomiya ng bansa.
Salamat sa inyo mga kabayan naming OFW, ang Pilipinas ay nananatiling isa sa mga bansang may pinakamalaking remittances para sa pambansang ekonomiya gaya ng India, China, at Mexico. Noong 2017 nakita natin ang pinakamalaking record ng pagpadala ng mga OFW para sa bansa. Umabot ito ng 28.1 bilyong dolyar.
Ang remittances o pagpapadala ng pera ng mga OFW ay nangangahulugan ng kabuhayan hindi lamang para sa isang pamilya, ito rin ay pangdugtong buhay para sa isang bansa na mahina ang baseng pang-industriya at pang-agrikultura.
Itangkilik. Lalo na ngayong magpapasko na naman, magandang paalalahanan ang mga OFW at ang kanilang mga pinadadalhang pamilya na, hanggang maaari, bumili ng mga produktong Filipino. Ito na marahil ang pinakasimpleng anyo ng bayanihan kung saan maaaring makisali si Juan sa araw-araw. Kung nasa ibang bansa tayo, maaari pa rin namang bumili ng mga produktong Filipino at tumangkilik ng mga serbisyo ng kabayan natin kung saan makikita ang mga ito. Kilala nating maigi ang ating lugar na kinalalagyan sa ibang bansa at tukuyin natin kung anong mga produkto at serbisyong Pilipino ang makikita sa mga lugar na ito.
Sa pagbabalik naman sa bansa ng isang OFW, lalo na kung talagang maganda ang kinikita, at nais magliwaliw, nabisita na ba natin ang lahat ng higit sa walumpong lalawigan ng Pilipinas? Huwag maging banyaga sa sariling bayan at palaguin ang lokal na turismo. Palakasin ang mga produkto at serbsyo ng iyong bansa at kilalanin mo ang mga ito. Kilalanin mo ang iyong bansa dahil kailangan mo itong “ibenta.”
Ibenta. Mga kabayang OFW, itaguyod natin sa ibang bansa ang ating bayan sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at pagsasabi ng magagandang bagay tungkol dito. Itaguyod ang mga produkto, serbisyo, kompanya, at lugar sa Pilipinas. Ibenta ang ideya na ang iyong bansa ay isang kamangha-manghang lugar na dapat mabisita. Tulungan ang Departamento ng Turismo na maitaguyod ang turismo sa ating bayan.
Isipin na lamang natin, may hindi bababa sa sampung milyong migranteng Pilipino ang nasa iba’t ibang lugar sa buong mundo. Iyan ang pwersa na higit na magtataguyod sa Pilipinas. Sila ang mga buhay na buhay na billboard ng ating bansa.