SANAYIN ang sarili na gawin ang mga paraang ito upang magawa ang iyong pinakamahusay sa lahat ng bagay.
HABANG maaga’y ugaliin na ang pagiging handang humarap sa maraming tao sapagkat malaki ang maitutulong nito pagdating ng panahong mapapakinabangan na ito.
Ni: Kristine Joy Labadan
LAHAT tayo ay mayroong mga pagkakataon kung saan tayo’y kinakabahan at nababalisa maging sa pagsasalita sa harap ng maraming tao o di naman kaya’y ang interbyuhin ng isang kumpanya.
Ang tanong na maaari nating sagutin ay kung natutulungan ba tayo ng ating paghahanda para magawa ang ating pinakamahusay o ito nga ba ang dahilan ng ating pagiging balisa?
Kung kaya’t imbes na ulit-uliting rebyuhin ang ilalahad mo sa maraming tao, gumawa ng sariling pamamaraan kung paano maituon ang isip sa pagdagdag ng kumpiyansa sa sarili.
Subukan ang ilan sa mga paraan na makakatulong sa epektibong paghahanda sa kaganapang tiyak na iyong mapagtatagumpayan.
-
Alalahanin ang iyong mga tagumpay
Ibalik sa isipan ang mga nakaraang pangyayari o okasyon kung saan maayos mong naitawid ang iyong mga ginampanang responsibilidad. Isabuhay ang mga emosyong naramdaman noon at isipin ang susunod na pagkakataon ay katulad lang din ng mga nakaraan.
-
Isipin muli kung bakit ito ginagawa
Kung iisipin mo ang dahilan ng iyong ginagawa, naaalis ang pokus mo sa anumang ideya na ikaw ang susuriin sa presentasyon. Sa huli, hindi lamang ito patungkol sa’yo kundi kung ano’ng ibibigay mo para sa iba.
-
Bago humarap sa lahat, huminga nang malalim
Huminga paloob nang apat na segundo at dahan-dahang huminga palabas. Ulitin ito ng tatlo hanggang apat na beses. Makakatulong ito sa’yo upang kumalma bago mo muling magawang mapahanga ang lahat.