SOLAR Para sa Bayan,magbibigay serbisyo sa mga liblib na lugar.
Ni: Jonnalyn Cortez
INAPRUBAHAN ng Kongreso sa pangatlo at huling pagbasa ang House Bill 8179 na naglalayong bigyan ang Solar Para sa Bayan Corporation (SPSB Corp.), na subsidiary ng Philippine Solar, ng 25 taong prangkisa bilang renewaable energy distributor sa kabila ng mga batikos.
Nakakuha ang panukalang batas ng 198 affirmative votes, pitong negative votes at isang abstention.
Ipinaguutos ng bill na patakbuhin sa mababang halaga ng korporasyon, na pagmamay-ari ng anak ni Senator Loren Legarda na si Leandro Leviste, ang operasyon ng maintain distributable power technologies (DPT) at mini-grid systems nito.
LEANDRO Leviste, CEO at Founder ng Solar Philippines.
Layunin ng bagong bill
Layunin ng SPSB na magtayo, maglagay, magpatakbo at mapanatili ang paggamit ng DPT at mini-grid systems sa buong bansa upang magkaroon ng access sa sustainable energy ang mga Pilipino.
Papahintulutan ng panukalang batas ang operasyon nito na aakma sa interes ng publiko at iba pang komersyal na layunin. Nakatakda naman itong magbigay ng electric power sa mga consumers at end-users sa mga lugar na itatakda ng Department of Energy (DOE) kabilang na ang mga “unserved at underserved areas” sa buong bansa.
Bunsod nito, plano ng korporasyon na gumawa ng ilan pang proyekto, tulad ng Paluan mini-grid na nakumpleto kamakailan lamang, na hindi naaalinsunod sa mga kasalukuyang prangkisa ng rural electric cooperatives.
Alinsunod sa panukalang batas, kailangang modipikahin, pagbutihin o baguhin ang mga pasilidad at kagamitan nito upang makapagbigay ng mas epektibo at maaasahang serbisyo at mabawasan ang gastos sa kuryente ng publiko.
Kailangan ding magkaroon ito ng tamang singil at presyo ng kuryente para sa mga serbisyong iaalok sa lahat ng uri ng kliyente upang magkaroon ng malinis na kumpitensya sa ibang negosyo at industriya.
Pinagbabawal naman ng bill ang pagpapa-upa, paglipat o pagbebenta ng binigay na prangkisa o ng mga karapatan at pribilehiyong inatas dito. Bawal din nitong ilipat ang controlling interest sa ibang tao o kinatawan.
Tutulong din umano ang kumpanya na maisagawa ang layunin ng pamahalaan na electrification, mura, at reliable na serbisyo ng kuryente para sa lahat ng Pilipino sa darating na 2022.
SUBSIDIARY ng Solar Philippines pasado na ang prangkisa.
Mga isyung nakapaligid dito
Dumaan naman sa maraming pagpuna ang HB 8179 pagkatapos nitong makalusot sa pangalawang pagbasa.
Nagsumite ng resolusyon ang 15 kongresista na sumasalungat sa panukalang batas at humiling ng muling pagdaan nito sa legislative franchises panel para sa mas malalim pang deliberasyon.
Sinabi ng mga ito na ilan sa mga probisyon sa ilalim ng bill ay labag sa Konstitusyon at salungat sa mga probisyon ng Republic Act No. 9136 o ang Power Industry Reform Act (EPIRA).
Dagdag naman ni Nueva Ecija 3rd District Representative Rosanna Vergara na ang bill ay maaaring humantong sa pagmamanopolyo ng SPSB sa sektor. Sinang-ayunan naman ito ni Buhay Representative Lito Atienza, na nangagambang baka ipagbili ang kumpanya sa mga dayuhan.
Tinututulan din ng rural electric cooperatives na Philippine Solar and Storage Energy Alliance (PSSEA) at Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) ang bill at sinabing ito ay lumalabag sa kanilang mga franchise areas at sumasalungat sa EPIRA. Kinuwestiyon din ng mga ito ang totoong motibo ng kumpanya.
Sinasabing ang prangkisa nito ay para sa commercial purposes tulad ng sa iba at ito rin ang nakasaad sa naturang bill. Ngunit, iginiit ng SPSB na tinitignan nitong serbisyuhan ang mga hindi maaayos na lugar na kinontra naman ni Vergara.
“I believe this Solar Para sa Bayan is not the solution,” ani Vergara na siyang dating chief executive officer ng Cabanatuan Electric Corporation. “I, together with a number of representatives in the 17th Congress, find numerous provisions in this bill to be discordant, unfair, and it effectively creates a monopoly for Solar Para sa Bayan for all solar installations in our country.”
“True, we need to lower the price of electricity,” dagdag naman ni Atienza. “Dapat po talaga ‘yan ang asikasuhin ng lahat. Pero ang prangkisang ito ba ang solusyon?”
Kinuwestiyon naman ni PSSEA president Maria Theresa Capellan ang mabilisang pag-apruba sa HB 8179.
“Can you imagine? It was just reviewed for three days in the franchise committee. It’s good we caught it. It was really fast,” sabi nito sa isang panayam ng Rappler.
Naapruba ang panukalang batas apat na buwan pagkatapos itong isumite sa chamber noong Agosto.
Sinasabi ng ilang kritiko na nakatanggap ng special treatment ang anak ni Legarda kaya’t mabilisang naipasa at nakakuha ng mega-franchise ang kumpanya nito.
Pagtatanggol ni Leviste
Mariin namang tinanggi ni Leviste ang mga akusasyon na mabilisan n’yang nakuha ang mega franchise dahil sa tulong ng kanyang ina at special treatment mula sa mga kongresista.
“The allegations being thrown are completely false,” pagtanggi nito.
Sinagot din ng CEO at Founder ng SPSB ang mga nagsasabi na hindi ito nararapat mabigyan ng prangkisa.
“The Constitution itself says no franchise should be exclusive so even if it were, it would be stricken down in courts. There is no legitimate argument against depriving Filipinos of choice,” paliwanag nito.
Tinanggi naman ng sponsor at co-author ng bill na si Deputy Speaker Arthur Yap na hahantong sa monopolyo ang pagkakaroon ng prangkisa ng kumpanya.
“They should be welcomed. They should be celebrated because along the way, they are showing us how the private sector, without any tax breaks, without any subsidies, can power isolated, underserved communities at no cost to the government.”
Kailangan naman dumaan pa ang bill sa karagdagang tatlong pagbasa sa Senado bago ito mapirmahan upang maging isang opisyal na batas.