Ni: Quincy Joel Cahilig
SA takbo ng mundo ngayon, napakahalaga na ng pagiging konektado sa internet. Ang naturang makabagong teknolohiya ay ginagamit ngayon hindi na lamang pangkomyunikasyon, kundi maging sa trabaho, pagnenegosyo, pag-aaral, pagbabayad ng bills, entertainment, at marami pang iba. Kaya nga kung wala kang Internet connection sa mabilisang andar ng buhay ngayong digital age, mapag-iiwanan ka.
Bagama’t isang developing country ang Pilipinas, hindi naman nagpapahuli ang mga Pinoy sa paggamit ng Internet. Batay sa Digital in 2018 report ng Hoostsuite, isang US-based social media management platform, sa 105.7 milyon na populasyon ng bansa, 67 milyong Pilipino ang konektado sa Internet at aktibo sa social media.
Pero, ang masaklap, kulelat ang Internet speed ng Pilipinas. Ayon sa OpenSignal report, ang average download speed ng bansa ay 8.24 Mbps. Sa 77 bansa, nasa rank 74 ang Pinas pagdating sa Internet speed. At kung ikukumpara ang bilis ng koneksyon dito sa mga bansang Singapore (46.64 Mbps), South Korea (45.85 Mbps), at Norway (42.03 Mbps), malayong-malayo ang agwat.
Napuna pa nga ang kabagalan ng Internet speed dito ni Chinese billionaire Jack Ma nang bumisita siya noong nakaraang taon at tinawag pa niya itong “No good”.
Batid ng pamahalaan na kailangan ng bansa ang mabilis na Internet speed upang makasabay ang bansa sa digitalization ng mundo, kung saan ang maraming economic activities ay ginagawa na online. Sa kaniyang State of the Nation Address nitong taon, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na magkakaroon ng ikatlong major telecommunications company ang bansa bago matapos ang 2018, na naisagawa nitong Nobyembre.
Kamakailan ay inanunsyo na ang Mislatel Consortium ang magiging ikatlong major telco player sa bansa matapos nitong manalo sa isinagawang bidding ng Department of Information and Communications Techonology (DICT). Ang bagong major telecommunications company ay binubuo ng Udenna Corporaton ni Davao-based businessman Dennis Uy, Chelsea Logistics Holdings Corp., at ang foreign partner na China Telecommunications Corp.
Sa pagkakaroon ng pangatlong major telco sa bansa, mas gaganda at bababa ang halaga ng Internet service sa Pilipinas. Ngunit may mga pangamba din na baka makompromiso ang ating national security.
Change is coming
Handog umano ng Mislatel ang mas mabilis na Internet connection sa mas mababang halaga gamit ang mas makabagong teknolohiya. Kaya marami ang nananabik na masubukan ang serbisyong kanilang ihahain, na matagal nang inaasam ng mga Internet users sa bansa.
“Sa Internet speed, first commitment year namin ay 27 Mbps. Kung ikukumpara sa Smart at Globe, ang internet speed nila ngayon ay 10 mbps. Doble na kami niyan sa first year of operation,” wika ni Mislatel spokesman Adel Tamano. “In the second year, 55 Mbps ang commitment namin.”
Dagdag pa ni Tamano, pinirmahan na ng DICT at ng China Telecom ang letter of intent para makagawa ng submarine cable landing station na magdadala ng Internet mula sa Hong Kong at U.S., na magpapababa ng presyo ng internet.
Bukas din naman umano ang Mislatel Consortium sa posibleng commercial partnerships sa Globe Telecom at PLDT-Smart at sa small players para mas mapaganda pa ang serbisyo sa mga subscribers.
“We are open to partnering with anyone, even those who did not bid for whatever reason, or those who lost the bidding. We are open to partnering with them… we are looking forward to partnering with them on tower sharing. We want to partner with the small players so that they can leverage on their backbone para mas mabilis ang rollout nila,” pahayag ni Tamano.
Nakahanda na ang Mislatel group na gumastos ng hanggang P256 bilyon para sa pagtatayo ng mga pasilidad nito sa loob ng limang taon. Subali’t kung sakaling mabigo ang bagong telco sa mga commitment nito, mafo-forfeit ang performance bond na ibinigay nito sa gobyerno, na nagkakahalaga ng P14 bilyon, bilang multa.
Tinukoy ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Mislatel bilang 3rd telco player sa Pilipinas sa bidding na naka-live stream sa social media.
Seguridad ng bansa, tiniyak
Samantala, mayroon namang mga pangamba na baka makompromiso ang seguridad ng bansa sa pagiging third telco ng Mislatel dahil sa kasosyo nitong China Telecommunications Corp. Ltd.
Marami ang duda na baka gawing paraan ito ng China upang makapag-espiya at makakuha ng mga sensitibong impormasyon. Lalo na’t naging sangkot ang gobyerno ng China sa pang-e-espiya sa U.S. at iba pang malalaking bansa ayon sa mga report.
Tiniyak naman ni Tamano na pangangalagaan ng Mislatel ang seguridad ng bansa sa gitna ng mga agam-agam na ito.
“Under the terms of reference, when we submit our roll out plan, kailangan namin ng detailed information kung paano namin ipo-protect ang information. That would be our top priority to ensure our national security,” binigyang diin niya.
“We are a Filipino company. We will not allow our national security to be undermined by any party. We work very closely with the Department of National Defense and National Security Adviser to ensure national security,” aniya.
Siniguro din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi makukumpromiso ang national security sa pagpasok ng ikatlong telecommunications company sa bansa. Subalit hindi niya tinukoy ang detalye ng paraan at mga counter measures na ihahanda.
Sa opinyon naman ni National Association of Data Protection Officers of the Philippines founding president Sam Jacoba, sa halip na pangambahan ang pagpasok ng Chinese telecom sa bansa, dapat na mag doble ingat na lang sa paglalagay ng impormasyon sa Internet at panghawakan ang mga salita ng mga awtoridad.
“The good news is finally we have a third telco. It’s all positive, but we have to be vigilant. We need to ensure that they will do what they committed to do,” wika ni Jacoba.