Ni: Louie C. Montemar
Kilala tayong mga Filipino sa ating mabuting pagtrato sa mga bisita. Ngunit mga simpleng bisita at turista lamang ba ang daan-daang libong dumadagsa ngayon mula sa bansang Tsina? Ayon sa Department of Tourism, ang bilang ng mga Tsinong dumating sa Pilipinas ay lumaki ng 54.43 porsyento noon pa mang 2017 kung kailan may 371,429 na Tsinong bumisita dito.
Bisita nga lamang ba ang mga ito? Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tumaas ng 33.4 porsyento ang bilang ng ipinagkaloob na Alien Employment Permits (AEPs) sa mga dayuhan na nagbabalak na magtrabaho sa Pilipinas. Mga Chinese nationals ang karamihan sa mga may hawak ng AEP mula 2013 hanggang 2016—lumaki ng 45 porsyento (18,920) noong 2016 mula 23.7 porsyento noong 2013.
May estimate na umabot na sa higit 200,000 Tsino ang pumasok sa bansa mula 2016 para mamasukan at maghanapbuhay dito.
Sa laki ng kanilang bilang, natutulak pa pataas ang presyo ng pabahay sa Maynila at iba’t-iba pang lugar kung saan sila nagkukumpol. Bumangga ito sa interes ng mga karaniwang Filipino na nahihirapang makakita ng maayos na tirahan sa sarili nilang bayan.
Higit sa lahat, sa pagdagsang ito ng mga Tsino, napupunta sa kanila ang maraming trabaho na dapat sana ay para sa mga Filipino. Nakakabahala ito lalo na’t patuloy ang paglobo ng bilang ng ating mga kababayan na kinakailangan pang makipagsapalaran sa ibang bansa upang masuportahan ang kanilang mga pamilyang naiiwan dito.
Dagdag ding pabigat at pasanin para sa ating bansa ang pagdami ng mga kasong kinabibilangan ng mga banyagang Tsino. Halimbawa na lamang: ang naulat na pananakit sa isang waitress; ang kaso ng panunuhol ng P50 milyon ng Tsinong si Jack Lam kay Immigration Commissioner Al Argosino; ang pagkahuli ng mga Tsino na nagpapatakbo ng pinagbabawal na online gambling; ang pagsuway sa mga batas trapiko; ang pagpatay ng tatlong banyaga sa isang kapwa nila Tsino; at, ang iligal na operasyon gamit ang isang dredging vessel sa Macolcol River.
Hindi kataka-taka kung gayong 1,248 na banyaga sa kabuuang 1,508 na pinatapon ng Bureau of Immigration ay mga Tsino. Ayon pa kay Senador Joel Villanueva, magdadalawang taon nang sinisiyasat ng kanyang komite sa Senado ang pag-aresto sa 1,240 na mga Chinese national na iligal na nagtatrabaho sa NEXT Games, isang operator ng pasugalan sa Fontana Technology Innovation Center sa Clark. Gayunpaman, hindi pa rin napipigil ang mga maling gawain ng mga iligal na banyagang Tsino sa ating bayan.
May hangganan ang pakikipagkaibigan at mabuting pakikitungo. Huwag naman tayong magpaabuso. Kailangang ayusin ang pagpapapasok dito sa bansa ng mga banyagang Tsino. Sa loob ng ating bansa, tiyakin natin ang interes ng ating mga mamamayan.