Ni: Louie C. Montemar
TONE-toneladang basura ang iniwan ng mga sumalubong sa Pasko sa pambansang liwasang Rizal nitong nakaraang Disyembre 25. Maraming netizens ang naglabas ng kanilang pagkadismaya sa mga lumabas na larawan ng duming nagkalat sa Luneta. Para sa marami, usapin daw ito ng kakulangan sa disiplina. Binigyang-diin naman ng iba ang kakulangan o kahinaan sa pagpapatupad ng batas sa pagkakalat at kawalan ng mga sapat na pasilidad para sa tamang pag-imbak ng basura sa liwasan.
Kung anuman ang ating pagtingin sa ganitong kaganapan sa ating mga liwasan, dapat talagang harapin ang usaping ng pangangalaga sa ating kapaligiran. Ang bansa natin sa ngayon ang ikatlong pinakamalaking kontribyutor sa marine plastic pollution. Malinaw na isang malaking pagbabago sa isip, salita, at gawa ang kailangan nating mga Filipino sa usapin ng pag-asikaso sa basura at pangangalaga sa kalikasan.
Kaugnay nito, isang magandang kaso ang nagpaingay din sa mga netizens ngayong pasara na ang taon. Isang lokal na club, ang Cove Manila, ay nag-aanunsyo ng Balloon Drop. Plano nilang magpakawala at maglaglag ng 130,000 na lobo sa pagsalubong sa Bagong Taon. Sabi ng Cove Manila, ito ay isang opisyal na pagtatangka upang makapasok sa Guinness Book of World Records. May mga nagtatanong kung tunay bang tinanggap ng Guinness ang nasabing proyekto dahil ayon sa kanilang mga patakaran, hindi na tumatanggap ng mga pagsubok na itinuturing na makakasama sa kapaligiran.
Sinabi rin ng club na ang pagpapakawala at paglalaglag ng lobo ay isasagawa indoors (o sa loob ng isang saradong istruktura) at may tamang pagtatapon sa magiging basura at susubaybayan ito. Pero isipin na lamang natin, 130,000 na lobo ito—isang bagay na mala-plastik at di basta-basta nalulusaw ng natural sa kalikasan. Para na rin tayong biglaan na lamang nagtapon sa kalikasan ng isang bagay na alam nating mananatiling naririyan at basura lamang sa matagal na panahon.
Bakit nga ba dapat natin kailangang lumikha ng basura para lamang magpakasaya at ipagdiwang ang pagpasok ng bagong taon? Ang magandang balita, dahil naging matinding viral na usapin sa social media ang kaso, kagyat na iniutos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatigil sa planong paglalaglag ng mga lobo. Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, kung ipipilit ito ng Cove Manila, makakasuhan sila sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sana ay matauhan na nga tayo sa mga ganitong walang kapararakang gawain at matuto tayong itigil na rin ang mga kawangis na gawain gaya ng pagpapakawala ng mga lobo sa mga seremonya ng libing at gawaing pampalakasan. Sa atin din naman kasi ang balik ng basurang iniiwan natin at ikinakalat sa ating kapaligiran.