MAGPAPATULOY ang giyera kontra droga ng pamahalaan ngayong 2019. Inanunsyo kamakailan ni Pangulog Rodrigo Duterte na tutugisin ng kanyang administrasyon ang big-time drug lords
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
NOONG 2016, iniluklok bilang Pangulo ng Pilipinas si Rodrigo Roa Duterte dahil pinanghawakan ng mga botante ang kanyang pangakong lilinisin ang mga lansangan mula sa ipinagbabawal na gamot, na isang pangunahing sanhi ng iba’t-ibang krimen. Makalipas ang tatlong taon, sa kabila ng mga batikos sa madugong war on drugs ng kaniyang administrasyon, marami pa ring mga Pinoy ang pabor sa kampanyang ito.
Ang mataas na approval rating na nakuha ni Pangulong Duterte sa nakaraang Social Weather Stations (SWS) survey Disyembre 2018 ay patunay ng mainit pa rin na suporta ng mga Pinoy sa kampanya na sugpuin ang ipinagbabawal na mga gamot sa mga lansangan. Base sa fourth quarter SWS survey na sinagawa mula Disyembre 16 hanggang 19, nasa 74 porsyento ng mga Pilipino ang “satisfied” sa performance ng kaunaunahang Pangulo ng bansa mula sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang resulta ng survey ay nagpapamali sa mga akusasyon ng mga kritiko sa kampanya ng Pangulo kontra droga.
“The support of the Filipinos for our Chief Executive also sends a strong message to foreign human rights groups and foreign governments to put a stop to their baseless and unkind accusations on his war on drugs,” aniya.
Sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino, mukhang hindi na mapipigilan pa ang pag-hunting ng Pangulo sa mga elementong patuloy na lumalason sa mga utak ng mamamayan gamit ang illegal drugs gaya ng shabu. Kamakailan nga nagbitaw pa ng matinding babala si Duterte sa mga “malalaking isda” na nagpakalat ng droga.
“I’m just warning for the remaining 3 years, ‘yung malalaking drug lords matatamaan yan, I will slit your throats,” banta ng Pangulo sa kanyang talumpati sa kaarawan ni Political Adviser Francis Tolentino kamakailan.
“Yung malalaki talagang tatamaan ‘yan. And if you ask me kung mamamatay ‘yan, mamamatay talaga ‘yan. Nasabi ko na eh, huwag dito sa akin. Pag big-time ka hindi kita patatawarin. Sa harapan ng human rights I will slit your throat. Wala akong pakialam. Talagang yayariin kita,” wika pa ng Pangulo.
Kaalinsabay ng babala ay ang paghimok ni Pangulong Duterte sa mamamayan na patuloy na suportahan ang kampanya ng gobyerno laban sa droga at kurapsyon.
“Let us work hand in hand to defeat the ills of drugs, criminality and corruption that stunt our development. Together, let us face all obstacles head on, armed with the knowledge and brimming with hope that we can triumph over any struggle that we may face as a nation,” wika ng Pangulo sa kaniyang New Year’s message.
Iniinspeksyon ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang nasabat na magnetic lifters sa General Mariano Alvarez, Cavite na hinihinalang ginamit upang ipuslit sa loob ng bansa ang bilyon-bilyong halaga ng shabu.
LIBO-LIBONG BARANGAY IDINEKLARANG DRUG-FREE
Itinuturing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isang mabunga at matagumpay na taon ang 2018 para sa giyera kontra droga. Bukod sa naging mas maigting na kampanya para hulihin ang mga big time at small time na sangkot sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot, mas pinagbuti din ng gobyerno ang rehabilitasyon para sa mga sumukong drug users na nagnanais na maituwid ang kanilang landas.
Batay sa datos ng PDEA ng November 30, 2018, nasa 9,500 na ang bilang ng mga barangay sa bansa ang idineklarang drug-free buhat nang pasimula ng termino ni Pangulong Duterte.
Umabot naman sa 303,533 ang mga drug surrenderers ang nagtapos sa Recovery and Wellness Program (RWP), na isinagawa sa pagtutulungan ng Philippine National Police (PNP) at ng pribadong sektor para matulungang makabangon muli ang mga nalulong sa droga sa buong bansa.
Nakasaad din sa report ng PDEA na umabot na sa PHP 25.19 bilyon ang halaga ng mga nasabat na illegal drugs and equipment mula Hulyo 2016. Nitong Nobyembre lang, nakasabat ang ahensya ng 128.96 milyong halaga ng illegal drugs and equipment.
Bilang patunay naman na walang sinasanto ang war on drugs, nasa 296 na law enforcers ang sinibak sa pwesto dahil sa paggamit ng droga samantalang 142 personnel ang kinastigo dahil sa drug-related offenses.
Pinasinayaan ng mga opisyal ng pamahalaan ang Bahay Silangan sa Caloocan City, kung saan tutulungan ng gobyerno ang mga sumukong drug offenders na makapagbagong buhay.
JUVENILE JUSTICE LAW, DAPAT NANG BAGUHIN
Samantala, buhat sa pasimula ng Duterte administration, umabot na sa 1,861 minors na sangkot sa droga ang naaresto. Ang numerong ito ay binubuo ng 1,001 pushers; 501 possessors, 255 users; 93 drug den visitors, anim na drug den maintainers; tatlong drug den employees at dalawang cultivators, ayon sa PDEA.
Ang mga nahuhuling menor de edad, pagkatapos ng court proceedings, ay hindi naman ikinukulong kundi dinadala sa pangangalaga ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) pagtapos ang walong oras na police custody. Ang ibig sabihin, malaki pa rin ang chance na bumalik sila sa maling gawain.
Kaya naman ginagamit ng malalaking sindikato ang mga menor de edad sa pagpapakalat ng droga sa mga lansangan dahil alam nilang hindi pwedeng ikulong ang mga ito batay sa Juvenile Justice Law of 2006. Nakasaad sa naturang batas na ang minimum age of criminal liability ay 15 years old.
Dahil dito, maigting ang panawagan ng administrasyon sa mga mambabatas na i-revise ang naturang batas. Ayon kay Presidential Communications Operations (PCOO) Assistant Secretary Marie Rafael, panahon na para pag-aralan ang Juvenile Justice Law kung mabisa pa nga ba ito lalo na’t dumadami ang bilang ng mga batang nagiging sangkot sa krimen.
“If we lower down the age of accountability for minors, because at age 17, they can go further, they can even kill. Nakikita po natin dito that pushers, yung age of discernment ng isang bata nowadays, by 15 kaya, alam na niya ang tama at mali?” wika ni Rafael.
Suportado naman ng PNP ang naturang panawagan na ibaba ang age of criminal liability, at nagbabala na pwedeng parusahan ang mga magulang ng mga batang sangkot sa krimen alinsunod sa Republic Act 7610.
“These children have no business selling drugs or being out-of-school. It is about time that we give this responsibility to our parents to take good care of their children. We would like to see this law applied to parents seriously neglecting their children,” ayon kay PNP deputy spokesperson PSupt. Kimberly Molitas.
Hindi din dapat aniyang gawing dahilan ang kahirapan para maging sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.