IPAHINGA hanggang kinakailangan kapag napapagod na ang mga mata.
HINDI maiiwasan ang paglabo ng mga mata. Nariyan ang ating pag-abuso sa paningin —mula sa labis na pagbababad sa harap ng computer at walang tigil na pagdutdot ng cellphone sa pagtunghay sa Facebook at iba pang social media. Isama pa ang likas na resulta ng pagtanda at ang ating kapabayaan sa pagkain ng tama. Mapalad na ngang maituturing ang mga taong may 20-20 vision sa kabila ng kanilang unhealthy lifestyle. Ngunit bihira ang binibiyayaan ng matalas na paningin.
Ang pagpapanatili ng malinaw na paningin ay mahalaga sa pangkabuuang kalusugan ng sinuman dahil ito ang pangunahing gamit natin upang makapagtrabaho nang maayos.
Para sa malalabo ang mata, ang pagsuot ng corrective lens ay makakatulong upang makakita ng malinaw. Depende sa grado ng iyong mata, ang maagang paggamit nito matapos masuri ng isang optalmologo at tamang prescription ng corrective lens ng isang optometrista, maaaring mapababa pa ang grado ng inyong mata. Tandaan lamang na sa unang pagkakataong may napansin kang paglabo ng paningin o pagsakit ng ulo kapag nagbabasa o nagtatrabaho, na kumonsulta sa isang optalmologo bago pumunta sa optometrista. Kapag hindi naasikaso ang nag-uumpisang problema sa paningin, kadalasan mabigat sa kalusugan at magastos ang pagkakaroon ng isyu sa paningin.
Madalas kapag tumataas ang grado ng mata at nakakaranas ng pananakit ng ulo at eyestrain, malaking pasakit na kailangan tiisin ng mga may problema sa paningin. Narito ang ilan sa mga opsyon na nasa sa iyo sa pagpapabuti ng iyong paningin. Mahalagang masuri mo at maunawaan ang mga ito para makagawa ng maayos na desisyon.
MAARING namamana ang malabong mata.
LASIK TREATMENT
Nakakabahala ang patuloy na pagtaas ng grado ng mata, lalo pa’t kung nagiging dependent na sa salamin ang inyong mga mata, kaya naman upang solusyunan ang nanlalabong paningin maaring sumailalim sa LASIK treatment, isang non-surgical eye procedure na magpapabalik sa inyong 20-20 vision. Ngunit bago magdesisyon na sumailalim sa procedure na ito na pag-aralan lahat ng anggulo nito, lalo na sa mga 40 anyos pataas. Kung minsan, hindi kinakailangan ang mahal o magastos na procedure na ito sa kalaunan. Kumonsulta sa isang optalmologo. Ito ay hindi lamang para sa estetikong dahilan —ang pag-alis ng salamin— kundi pangkalusugan din.
Sa Laser-assisted in situ keratomileusis o Lasik, binabalik sa tamang hugis ang inyong cornea upang luminaw muli ang inyong paningin. Tumatagal sa lima hanggang pitong minuto ang treatment sa bawat mata, ngunit ang laser exposure ng mata ay wala pang isang minuto. Sa kabuuan ang Lasik treatment ay tatagal lamang ng hanggang 20 minuto at matatamo mo na ang pinapangarap na near 20-20 vision. Mahalagang paliwanag ng optalmologo na optimum vision ang resulta ng Laser-assisted o Lasik treatment ngunit hindi absolutely 20-20 vision ang makakamit.
PAANO ITO GINAGAWA?
Papatakan ang inyong mga mata ng anesthesia, pagkatapos ay maglalagay ng lid retractors sa inyong mata upang hindi ka maka-kurap habang sumasailalim sa procedure.
Gagamit naman ng suction ring upang manatili sa gitna ang iyong eyeball, ang nangyayari ang laser ang puputol at huhugis sa inyong cornea upang maibalik ito sa normal na hugis. Huwag mag-alala dahil hindi ito masakit.
BAGO ANG PROCEDURE
Sasailalim sa pre-screening at retinal screening ang pasyente upang matiyak na healthy ang kanyang mga mata, kailangang matiyak na nasa tamang kapal ang cornea.
MAGKANO ANG LASIK?
Nagkakahalaga ng P60,000 hanggang P140,000 ang Lasik treatment. Maaring sumailalim ang may edad 18-anyos pataas ngunit nirerekomenda ang nasa late-20’s na dahil ito ang edad na bumabagal na ang paglabo ng mata. Kailangan din sumailalim sa mas masusing examination ang mga may edad 45 pataas bago sumailalim sa treatment na ito. Ayon sa mga batikang optalmologo, ang hugis ng cornea at ang mga retinal muscles ng isang tao ay nagbabago kapag nagkakaedad. May pagkakataong kusang lumilinaw ang paningin kaya’t maaaring hindi kailanganin ang Lasik treatment.
GAANO KATAGAL ANG RECOVERY PERIOD NG PASYENTE
Matapos ang ilang araw o linggo maari nang makabalik sa trabaho ang pasyente gayunpaman aabot ng tatlo hanggang anim na buwan ang full-recovery ng mga mata hanggang sa matamo ang almost perfect vision. Sa simulang mga araw at linggo nangangailangan na gumamit ng sunglasses ang pasyente dahil nagiging sensitibo sa ilaw ang mata. Bukod sa droppers na kailangang ipatak araw-araw mahigpit na pinagbabawal na kusutin ang mga mata.
NANODROPS
Bukod sa LASIK kasalukuyang pinag-aaralan ng mga scientist ang posibilidad ng nanodrops o yung eyedrops na kayang permanenteng magpalinaw ng mata.
Ito ay dinebelop ng mga optalmologong Israeli at matagumpay na nasubukan sa mga mata ng baboy.
Mula sa Shaare Zedek Medical Center and Bar-Ilan University sa Israel ang nasabing pag-aaral. Ayon kay David Smadja pangunahing awtor ng pananaliksik, “nanodrops could potentially be used for more than just correcting someone’s corneas. Replacing multifocal lenses is also feasible, which would enable people to focus on objects from various distances”
Sa ngayon hindi pa sumasailalim sa human trial ang nanodrops at tanging hypothesis pa lamang ang pinanghahawakan tungkol dito ng mga seyentipiko.
STEM CELL VS. MACULAR DEGENERATION
Isa pa sa masusing nanaliksik sa solusyon sa pagkabulag ang kompanyang Ocumetics Technology Corporation, na kasalukuyang pinag-aaralan ang potensyal ng stemcell upang makagawa ng bionic eye. Ibig sabihin gamit ang stem cell procedure sasailalim sa retinal implant ang pasyente upang muli itong makakita nang malinaw. Kapag nagtagumpay ang pag-aaral na ito magkakaroon na ng solusyon sa katarata at pagkabulag, maaring maibalik sa 20-20 vision ang pasyente.
Ayon sa website na macular.org, ang macular degeneration ay ang pagkawala ng paningin dahil sa pagkasira ng retina, maaring dahil sa katandaan o sakit gaya ng diabetes.
“Macular Degeneration is caused by the deterioration of the central portion of the retina, the inside back layer of the eye that records the images we see and sends them via the optic nerve from the eye to the brain. The retina’s central portion, known as the macula, is responsible for focusing central vision in the eye, and it controls our ability to read, drive a car, recognize faces or colors, and see objects in fine detail.”
Hanggang ngayon maituturing na incurable disease ang macular degeneration, at tanging masosulusyunan lamang kung maagapan bago ang tuluyang pagkabulag.
Alagaan ang paningin
Upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng ating mga mata, narito ang ilang paalala upang mapanatili at maalagaan ito.
1. Kumain ng mga pagkain masagana sa omega-3 fatty acids, lutein, zinc, vitaminsC at E. Ang mga pagkaing madadahon, gaya ng spinach, kale, salmon, tuna at oily fish, itlog, iba’t ibang klase ng mani, beans at non-meat protein sources at oysters ay masagana sa mga nabanggit na bitamina. Mainam din ang mga prutas na orange at iba pang citrus fruits.
2.Sundin ang 20-20-20 rule. Kada 20 minuto sa screen, tumingin sa alin mang bagay na 20 feet ang layo sa loob ng 20 segundo. Kahit abala sa pagtatrabaho, alalahanin pa rin na tumayo kada dalawang oras at huwag munang tumingin ng 15 minuto sa screen, maiiwasan ang pagsakit ng ulo at eyestrain kung susundin ito.
3.Umiwas na tumingin sa sobrang liwanag, kung kinakailangan magsuot ng sungglases at anti-radiation at UV-filtering lens.
4.Sa sobrang abala natin sa pagtitig sa screen, kadalasan nalilimutan natin na kumurap, maaring maging dahilan ito ng cluster headache at dry eyes, ugaliin na kumurap kada minuto, ayon sa mga doktor dapat na kumukurap tayo ng 15-20 beses kada minuto, sa pamamagitan nito nanatiling lubricated at nakakapagfocus ang ating mata.
5.Huwag magbasa o tumitig sa screen na madilim ang paligid, tiyakin na nasa tamang liwanag ang paligid.
6.Kumonsula sa optalmologo kada dalawang taon, kung hindi gumagamit ng salamin, kada taon naman sa mga may salamin, at kada amin na buwan naman sa mga may astigmatism.