Ni: Jonnalyn Cortez
HINDI kumpleto ang gayak ng isang babae kung wala siyang lipstick kaya parte na ng buhay ang paglalagay ng lipstick. Kung may dadaluhan na pormal na okasyon o kahit pupunta lang sa mall, hindi makakaligtaan ang mag lipstick. Kahit nga mga batambatang babae ay gumagamit na ng lip tint ngayon.
Ngunit, gagamit ka pa rin ba nito kung malaman mong may halong mga masasamang kemikal ito?
Ayon sa isang pag-aaral noong 2007 na Campaign for Safe Cosmetics, 61 porsyento ng lipsticks ay merong lead at iba pang uri ng nakapipinsalang kemikal. Maging ang mga kilalang brand ay napag-alamang naglalaman din nito, lalo na ang mga peke at imitasyon na mabibili sa tabi-tabi.
Kumpara sa ibang mga make-up products, sinasabing mas delikado ang lipstick dahil malapit ito sa bibig. Anomang masamang kemikal na meron ito ay maaaring malunok at pumasok sa katawan.
Sa aming mga nakapanayam na Filipinang gumagamit ng lipstick, 90 porsyento ng nasa edad 18-24 ang sinusuri ang sangkap ng kanilang binibili. Walumpung porsyento naman ang aware sa issue ng lead sa lipstick at parehong porsyento rin ang alam ang epekto nito.
Sa mga babaeng edad 25-34 naman, 70 porsyento lamang ang tinitingnan ang sangkap ng kanilang binibiling lipstick. Parehong pitumpung porsyento rin ang antas ng nakakaalam ng kaso ng lead sa lipstick at epekto nito.
Mas mababang porsyento naman ng mga nasa edad 35-44 ang may kamalayan sa isyung ito. Animnapung porsyento lamang dito ang sinusuri ang nilalaman ng kanilang binibiling lipstick. Parehong 60 porsyento rin ang aware sa issue ng lead at masamang epekto nito sa katawan.
Malaking porsyento ng mga kababaihan aware sa lead at kemikal na natagpuan sa mga lipstick.
LASON AT MGA KEMIKAL SA LIPSTICK
Ayon sa ilang mga ulat, ligtas gamitin ang mga lipstick na gawa ng malalaki at kilalang brand, dahil na rin dumaan ito sa iba’t-ibang quality tests at checks. Ngunit, may lumabas ring pagsusuri ng ilang consumer group sa Amerika na nagsabing may ilan sa kilalang brand na isinailalim nila sa laboratory tests at natuklasang may lead na higit na mataas kaysa sa allowable limit. (I-google ang listahan ng mga lipstick na ito).
Sinabi rin ng Food and Drug Administration (FDA) na ang mga cosmetic lip products at iba pang uri ng cosmetic products na may hanggang 10 ppm ng lead ay hindi magdudulot ng panganib sa kalusugan.
Ang mga low-quality na lipstick ay maaaring naglalaman ng malaking porsyento ng lead at iba pang nakakapinsalang sangkap na lubhang mapanganib sa kalusugan at nakakapagdulot ng mga sakit.
Ngunit, may lumabas ring pagsusuri ng ilang consumer group sa Amerika na nagsabing may ilan sa kilalang brand na isinailalim nila sa laboratory tests at natuklasang may lead na higit na mataas kaysa sa allowable limit. (I-google ang listahan ng mga lipstick na ito).
Sa muling ginawang pag-aaral ng University of California, Berkeley, noong Mayo 2013, muling nakakita ang mga researchers ng lead sa lipstick at iba pang uri ng kemikal.
Dalawampu’t-apat sa 32 na sinuring brand ng lipstick na mabibili sa mga drugstores at department stores ang nakitaan ng lead at iba pang nakakalason na heavy metals.
Sinabi ng author ng naturang pag-aaral na ang iba rito ay may lebel na maaaring makasama sa katagalan ng paggamit.
Natagpuang 68 porsyento ng mga lipstick ay lagpas sa tamang lebel ng chromium, na pinaghihinalaang carcinogen, kung gagamitin araw-araw. Dalawampu’t-dalawang porsyento naman ay lumagpas sa nirerekomendang antas ng manganese na pinaniniwalaang nakakapinsala ng nervous system.
Napag-alaman namang hindi lumagpas sa karapat-dapat na antas ang lead exposure sa lipstick para sa mga nakatatanda, ngunit walang anomang bilang ng lead exposure ang maituturing na ligtas para sa mga bata, na madalas naglalaro ng mga makeup.
Lipstick nakitaan na naglalaman ng lead, mga kemikal, at heavy metals.
MAJOR PUBLIC HEALTH CONCERN
Ayon sa World Health Organization (WHO), nabibilang sa listahan ng “10 chemicals of major public health concern” ang arsenic, cadmium, lead, at mercury, na siya namang natagpuang nakahalo sa mga pekeng lipstick na nakumpiska sa Divisoria Mall sa Maynila. Kabilang din ito sa mga sangkap na hindi dapat hinahalo sa mga cosmetic products, ayon naman sa Asean Cosmetic Directive.
“We urge lipstick users not to buy counterfeit lipsticks and those without proper market authorization as many of such products are laden with heavy metal contaminants that can seriously harm human health,” wika ni Thony Dizon, chemical safety campaigner ng EcoWaste Coalition.
“To safeguard consumer health, we request the authorities, particularly the Food and Drug Administration to cause the immediate seizure of the non-compliant lipsticks in cooperation with local government and police units.”
Dati ng naglabas ang FDA ng draft guidance para sa industriya ng mga gumagawa ng makeup para sa tamang antas ng lead na maaari lamang ilagay sa mga cosmetic lip products at externally applied cosmetics na hindi lalagpas sa 10 ppm.
“Although most cosmetics in the market in the United States generally already contain less than 10 ppm of lead, a small number contained higher amounts, and we are aware that some cosmetics from other countries contain lead at higher levels,” wika nito sa isang pahayag.
“This makes guidance on recommended maximum lead levels all the more important as more products are imported into this country.”
Mga low-quality at imitation na lipstick, napag-alamang naglalaman ng mataas na antas ng lead at iba pang kemikal.
MASAMANG EPEKTO NG LEAD AT IBA PANG KEMIKAL SA KATAWAN
Sinabi ni Dr. Erle Castillo ng Center Manila at Philippine Society of Clinical Toxicology na ang mga “heavy metals” na nakita sa lipstick ay maaaring makapagdulot ng “neurodevelopmental deficits, hormonal disruption, reproductive disorder” at iba’t-ibang uri ng sakit tulad ng cancer. Maaari rin itong magdulot ng hypertension, coronary heart disease at heart rate variability.
Makapagdudulot din ito ng impeksyon sa mga bata tulad ng pagtatae, pagsusuka at toxicity sa tiyan. Maaari rin itong maging sanhi ng posibleng neurological damage sa mga sanggol sa sinapupunan kapag nagamit ng mga buntis.
“Lead can damage a developing baby’s nervous system. Even low-level lead exposures in developing babies have been found to affect behavior and intelligence,” babala ng U.S. National Institute for Occupational Safety and Health (NIOSH).
Payo naman ng EcoWaste Coalition, suriin muna ng mga bumibili sa website ng FDA kung ang nais nilang lipstick ay merong tamang “cosmetic product notification.” Bumili lamang sa mga lisensyadong retail outlet at ugaliing humingi ng resibo.
Iwasan din bumili ng mga kaduda-duda at masyadong murang produkto dahil malamang ay peke ito. Kung hindi siguradong ligtas ang produktong iyong nabili, huwag na itong gamitin. Huwag din hayaang paglaruan ng mga bata ang mga makeup at lipstick.