Ni: Jonnalyn Cortez
MULING nagbabalik si Angel Locsin sa telebisyon pagkatapos ng limang taon.
Inilunsad ng Kapamilya star ang teaser image ng kanyang bagong teleserye na The General’s Daughter sa isang post sa Instagram na may caption ng kanyang naging buhay sa nakalipas na limang taon.
“2015 challenged me. 2016 broke me. 2017 changed me. 2018 opened my eyes. 2019 I’M COMING BACK. After 5 years… This is Angel Locsin, reporting for duty as Rhian Bonifacio.”
Hindi naman ipinaliwanag ni Angel kung bakit ganito ang kanyang mga naramdaman sa mga nakalipas na taon.
Ngunit, ipinagmalaki nito ang kanyang pagbangon ngayong taon bilang si Rhian Bonifacio sa telebisyon.
Huling pinagbidahan ni Angel sa telebisyon ang The Legal Wife noong 2014. Lumabas din ito sa isang special role bilang Jacintha Magsaysay sa fantasy series na La Luna Sangre noong 2017.
Nakatakda naman ipagdiwang ng Kapamilya actress ang kanyang ika-12 anibersaryo sa ABS-CBN ngayong taon pagkatapos nitong lumipat mula GMA noong 2007.