Ni: Edmund C. Gallanosa
LIKAS na sa mga Pilipino ang pagiging masayahin. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ang mga Pinoy, matitibay sa harap ng mga suliranin sa buhay. Tila sa halos lahat ng pangyayari sa buhay, nakukuha pa nilang ngumiti at tumawa. Kapag may mga kainan hindi nawawala ang tawanan. Sa binyag, party o pista, asahan ang walang humpay na tawanan na tila wala nang bukas. Pero kahit sa mga panahon na may paghihinagpi, tulad nang nasunugan, bumaha, o simpleng suliranin na walang makain sa maghapon, nakukuha pang tumawa ng mga Pinoy.
Sobra ngang masayahin ang mga Pinoy na nakikilala na tayo sa buong mundo sa ganitong pag-uugali. Napapabalita nga sa ibang panig ng daigdig na ang pagiging ‘smiling face’ at palabati ng mga Pinoy ay nakakahawa, at inaasahang makikita sa ating mga kababayan saan ka man mapunta sa iba’t ibang pulo sa Pilipinas. Sa dami nga ng bansa sa mundo, hinirang tayong ikatlo bilang “happiest people in the world.” Hindi ba napaka-sarap pakinggan na bigyan ng ganitong pagkakakilala?
Ang salitang “happiness” ay permanente sa bawat galaw ng mga Pinoy na ultimo hanggang sa ipinapangalan sa mga anak, ay may kaugnayan pa rin sa happiness. Common na ang mga pangalan ng mga bata na Joy, Happy, Jolly, Bliss, Merry Joy — Merry na, Joy pa. Hindi rin nagpapahuli sa palayaw bilang Masaya, Maligaya, Galak, at lalong sikat ang ngalang Ligaya. Dahil sa ganitong nakaugalian, nakilala na ang mga Pinoy sa World Happiness Repor, isang pag-uulat na hawak ng United Nations Sustainable Development Solutions Network na sumusukat sa pagiging masiyahin ng isang lahi at kung gaano ito nakaka-apekto sa kanilang progreso.
Hindi biro ang markang nakuha ng Pinoy bilang “happy people in the world.” Naunahan pa natin sa antas ng happiest people ang mga bansa tulad ng Estados Unidos, Japan, Canada, Norway, Denmark and Iceland. Nakakapagtaka kung ituturing ang ating marka sapagkat tayo ay itinuturing na developing country o third-world nation, mabagal ang progreso, marami pa rin ang naghihirap subalit masasaya pa rin ang mga tao. Pambihirang maituturing ang ganitong pag-uugali kumpara sa ibang mga bansang mayayaman na tinalo natin.
Masakit man na karanasan, tawanan na lang
Isang magandang halimbawa nito si Abner Abbasi, 17-years old at nagtitinda sa isang sapatusan sa Agora Market. Nakausap namin siya at nagulat kami na siya ay mula sa Marawi City. Ang kanilang tahanan, ay nakatirik mismo sa gitna ng pinaglabanan ng mga sundalo at mga terorista. Napansin ko si Abner na pala-tawa at pala-biro, kung kaya naman naengganyo kami sa kanila bumili ng sapatos. Hindi ko sinasadya na malaman na siya ay taga-Marawi kung hindi ko naitanong kung anong salita yung kantang pinapatugtog niya. Sabi ni Abner, yoon daw ay salitang Maranaw. Tinanong ko pa siya kung malapit sila sa Surigao del Norte at sinabi niya, malayo sila roon at sila ay taga-Marawi City. Saka ko siya kinamusta kung ano ang nangyari sa kanila roon noong nagdaang giyera.
“Wala na, nasira na ang bahay namin, walang natira,” sagot ni Abner. Subalit sinagot niya ito na patawa-tawa pa. Ikinuwento niya na napilitan silang lumuwas at mamasukan dito sapagkat wala nang kabuhayang natira doon at wala na silang pampuhunan. Alam ko na tumatawa man siya, masakit iyon sa kaniyang damdamin at marahil kung hindi siya kasalukuyang nagtitinda ng sapatos sa oras na nagkausap kami ay mapapa-iyak siya sa sinapit nila. Bata pa at emosyonal si Abner sa pakiwari ko, bakas sa kaniyang kilos at sa mukha ang alaala ng kanilang lugar bagama’t nakuha pa niyang tumawa.
Sina Michael Macapagal naman, isang negosyante ng mamahaling muwebles ay nasunugan ng tindahan. Dahil sa maling pagsisiga ng tuyong dahon, natupok ang kanilang furniture shop at naubos ang kanilang mga produkto, at kamuntik pang madamay ang kanilang kapitbahay. Lugi na sa negosyo, nawalan na ng kita subalit nakuha pa ring magkwento nang nakangiti at humahalakhak pa. “Andiyan na ‘yan eh, nangyari na ang hindi ginusto. Wala tayong magagawa kundi back from the start lang ulit. Ang mabuti niyan walang nasaktan o namatay sa sunog,” pahayag ni Michael.
Daanin na lamang sa tawa at ngiti, pero babangong muli
Sabi nga ng isang National Geographic photographer na si Karen Kasmauski, ang pagiging palangiti ay isang magandang personal trait na nakakabit na sa mga Pilipino. “They are more expressive and emotional than other Asians. Yet they still have a polite Eastern restraint and civility about them and a strong aesthetic sense, an appreciation of beauty. They appreciate beauty of things so much it makes them smile all the time.”
Nasa ugali na ng Pinoy ang tawanan ang problema, ngumiti kahit may suliranin, at babangong muli gaano man kabigat ang pagsubok.
“Filipinos when they have a problem they don’t just feel like withering away. They’re not like us. They simply just trudge on, you know. When my Filipino friends got problems they just move forward, smile here and there, like they don’t have something bothering them. They could simply smile at everyone, amazing! You know that bahala na attitude? I’ve heard so much about it and I think it worked well for them. Some say it’s a bad trait. I don’t think so. Because I see my friends with that bahala na thing and they’re so optimistic. Because they see something positive out of their misery. That if they cannot solve their problems today, hey, they have tomorrow. It’s not the end of the world. And I admire them for that,” sabi ng American citizen na si Bobbie Keeling, dati kong manager sa isang call center company sa Ortigas.
Ituloy ang magandang pag-uugaling ito. Dahil dito, napapamahal ang mga Pilipino sa ibang nasyonalidad. Gusto nila ang Pinoy dahil magaling magdala ng problema, at magaang katrabaho. Sa maraming pagkakataon nasusubukan ang pagiging matibay ng mga Pilipino na dinadaan lamang sa ngiti at tawa ang mga suliranin sa buhay. Subalit hindi dito nagtatapos, magaling sa pagbangon ang mga Pinoy pagdating sa problema. Kapag hindi kaya resolbahin ngayon, always, may bukas pa. Tawa lang today, laban ulit bukas.