ANG pagbabasa ay nakapagpapalawak ng kaisipan ng tao at nagagawa nitong dalhin ka sa mga lugar na hindi mo pa napuntahan at naranasan.
Ni: Micah Joy Simon
MAY mga panahon na tila ba napapagod tayo kahit wala naman tayong ginagawa. Marahil, dahil sanay ang ating katawan na kumilos upang ating maisakatuparan ang maraming bagay-bagay sa loob ng isang araw.
Gayunpaman, may mga pagkakataon na kailangan nating manatili sa ating mga tahanan. Kung ating iisipin, hindi tayo minsan nagiging produktibo sa ating pananatili rito dahil ang alam lang nating gawin ay matulog, kumain, manood ng telebisyon o magbabad sa Internet.
Kung sawa ka na sa ganitong takbo ng iyong buhay sa loob ng inyong tahanan, maaari mong gawin ang mga sumusunod na makabuluhang bagay.
-
Mag-ayos
Maaari mong ayusin ang iyong kabinet, ang pisikal na disenyo ng iyong kwarto, ang iyong bookshelf kung mayroon man, o kaya naman ang iyong mga personal na gamit. Sa ganitong paraan, mas mararamdaman mo ang kaaya-ayang pagbabago at maalwan na pakiramdam sa loob ng iyong silid
-
Magbasa ng libro
Mahalaga ang pagbabasa ng libro para sa lahat ng tao. Sabi nga ni Dr. Suess, “The more you read, the more things you know. The more that you learn, the more places you’ll go.” Kaya isama ang pagbabasa ng libro sa iyong to-do-list. Marami namang iba’t-ibang klase ng babasahin na maaari mong subukan.
-
Gumawa ng vision board
“The only thing worse than being blind is having sight but no vision,” pahayag ng deaf-blind high achiever at teacher na si Helen Keller. Ang vision ay ang mga bagay na naiisip o nakikita mo higit pa sa mga nangyayari sa pisikal mong aspeto. Halimbawa, kapag tinignan mo ang iyong kamay gamit lamang ang iyong paningin, kamay mo lamang ang makikita mo, ngunit kung may vision ka, makikita mo ang mga magagandang bag, sapatos o iba pang handicrafts na nilikha gamit ang mga kamay. Kung wala kang magawa, maaari mong isipin kung ano ang mararating mo sa hinaharap, ilagay mo ito sa isang board. Ito ang magsisilbing motibasyon mo sa pang-araw-araw na pagkilos.
-
Maghanap ng bagong kaalaman
Kung may unlimited Internet connection naman kayo sa inyong tahanan, maari mong saliksikin ang mga bagay na nais mong malaman. Ang Internet ay kapupulutan ng halos walang limit na kaalaman tungkol sa maraming bagay. Walang magiging pagkainip sa maghapon kung gagamitin mo ang panahon sa pag-aaral at pagdiskubre ng bagong trend at impormasyon. Makatutulong sa iyo ang iyong bagong kaalaman, pati na rin sa ibang tao.
-
Subaybayan ang mga current events
Napakahalaga na may kaalaman tayo sa mga current events hindi lang sa ating komunidad kundi sa buong mundo dahil anumang pangyayari na nagaganap, tiyak apektado tayo. Kaya naman, makabuluhan para sa isang taong walang magawa na alamin kung ano ang mga isyu sa kasalukuyan, upang maging updated at para na rin sa kaligtasan.