DENR nakatakdang isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay.
Ni: Jonnalyn Cortez
PLANO ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ibalik ang dating ganda at sigla ng Manila Bay.
Gamit ang parehong estratehiyang sa rehabilitasyon ng Boracay Island, determinado si Environment Secretary Roy Cimatu na tanggapin ang hamon na linisin ang Manila Bay.
Pagbuhay sa Manila Bay
Kilala ang Manila Bay sa kabigha-bighani nitong sunset, pero kilala rin ito bilang dagat ng basura. Ngunit sa plano ng gobyernong rehabilitasyon, hindi magtatagal ay muling mabubuhay ang ganda ng look.
“We are preparing for an all-out strategy to bring the coliform concentration in Manila Bay to a safe level so that millions of people who reside in the bay region and neighboring areas will enjoy its waters and marine resources without fear of getting sick,” ani Cimatu.
Sinabi ng retired general na nakikita nitong pangmatagalang solusyon ang pagpapababa sa coliform level ng tubig sa 100 kada 100 milliliters (MPN/100ml) upang muling makalangoy dito at makapagsagawa ng iba pang water activities. Sa kasalukuyan, mayroon itong 333 million MPN/100ml.
Dagdag din ni Cimatu na magpapakita ng parehong political will ang gobyerno sa paglilinis nito tulad ng ginawang rehabilitasyon sa Boracay.
Nanawagan naman si DENR Calabarzon Executive Director Ipat Luna na tumulong ang mga local government units (LGU) na disiplinahin ang mga naninirahan sa easements.
“Kasi ‘pag napigilan natin sila – kahit patrolin mo ‘yan araw-araw, mas maliit pa rin ang gagastusin mo kaysa hanapan mo sila ng bahay. Mas malaking gastusin pag ire-relocate mo na sila,” paliwanag nito.
Sinang-ayunan naman ito ni Cimatu at pinaalalahanan ang mga mga LGU na sumunod sa mga environmental law upang makatulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
“I am calling on all LGUs to step up their efforts in cleaning up the bay because it is their own constituents who will benefit,” anito.
Polusyon dulot ng domestic waste
Ibinunyag ni Luna na 90 porsyento ng polusyon sa Manila Bay ay mula sa domestic waste.
Pangunahing kontributor umano dito ay ang Calabarzon. Dumidiretso ang basura nito sa Laguna Lake at tumutungo sa Manila Bay.
Sinabi naman ni Cimatu na ang mataas na coliform nito ay dulot ng dumi mula sa mga estero o estuaries sa Metro Manila.
Dagdag nito, natukoy na ng DENR ang apat na pangunahing estero na nagdadala ng bilyong coliform sa mga tubig kabilang na ang Pasig River. Dalawa naman dito ay nakakaapekto lamang sa Manila Bay. Isa nga rito ang Estero de San Antonio de Abad sa Malate, Manila, na nakatakdang inspeksyonin ni Cimatu.
“If we control these four esteros, I am very optimistic that the coliform level of the bay will be reduced significantly,” pagtitiyak nito.
Hamon kay Cimatu
Malaking hamon para kay Cimatu ang paglilinis ng Manila Bay dahil sakop nito ang apat na lungsod — Metro Manila, Cavite, Bulacan at Bataan.
“We have divided the cleanup based on these areas but we will concentrate first here in Metro Manila,” pahayag nito.
“This is urgent because I believe that during habagat, dirt and garbage is blown to the west and stagnates in Manila Bay.”
Nakatakdang magsimulang bumisita si Cimatu sa mga gusali, pagawaan, at sapa na nagtatapon ng maruming tubig dito.
Determinado umano itong ipasara ang mga makikita nitong establisyemento na lumalabag sa environmental laws na malapit at nasa paligid nito.
Plano ni Cimatu na makipagpulong sa mga stakeholders at opisyal ng gobyerno sa lalong madaling panahon upang mailunsad nila ang kanilang plano sa darating na Enero 2019.
“We start this early and we are planning to have a meeting-conference with stakeholders and city mayors of Metro Manila,” anito.
“After that, we’ll be launching also this plan into reality within the month of January so that we expect that at the end of this year, by Christmas next year we’ll have a better Manila Bay.”
Dati nang iniutos ni Cimatu sa Manila Bay Coordinating Council ang paggawa ng draft master plan para sa rehabilitasyon. Bukod naman sa DENR, 15 pang ahensya ng gobyerno ang magtutulung-tulong na gumawa ng draft rehabilitation plan para rito.
DENR Sec. Roy Cimatu at Sen. Cynthia Villar
Pagkilala kay Villar
Kinilala ng DENR ang pagsisikap ni Senator Cynthia Villar na linisin at isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay sa ika-10 anibersaryo ng pagpapalabas ng mandamus ng Supreme Court na nag-uutos sa 13 ahensya ng gobyerno na pangunahan ang rehabilitasyon ng look.
Si Villar ang chairperson ng Committee on Environment and Natural Resources.
“Manila Bay is one big toilet kaya hindi malinis-linis,” anito pagkatanggap ng plake mula kay DENR Undersecretary Sherwin Rigor sa harap ng representante mula sa mandamus agencies at opisyal ng DENR.
Pinansin din nito ang kawalan ng waste water treatment facilities na siyang nagiging dahilan ng mataas na coliform level sa tubig.
Pinuri naman ni Villar si Cimatu nang ianunsyo nito ang planong rehabilitasyon.
Sinabi ng senadora na maaaring magsilbing modelo ng paglilinis ng look ang kanyang dalawang proyekto sa Manila Bay.
Isa rito ay ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park, kungsaan nagsasagawa ng buwanang clean-up at tree-planting activity. Ang isa naman ay ang proyekto niya sa Baseco Compound, kung saan sa tulong ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance kaakibat ang Department of Health (DOH) ay nakapagtayo sila ng mga palikuran para sa mga residente. Nakagawa naman sila ng mga livelihood projects katulad ng aquaculture at urban gardening para sa mga nakatira rito sa pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) at Pasig River Rehabilitation Commission.