MRT3 sasailalim na sa rehabilitasyon.
Ni: Jonnalyn Cortez
NAKATAKDANG umpisahan ang rehabilitasyon ng buong fleet ng Metro Rail Transit (MRT) 3 mula sa huling linggo ng Enero hanggang unang linggo ng Pebrero. Pangangasiwaan ito ng Japanese consortium na Sumitomo-Mitsubishi Corporation gamit ang P18 bilyong loan mula sa gobyerno ng Japan.
Pumirma ng kontrata ang Deparment of Transportation (DOTr) at Sumitomo para sa rehabilitasyon at maintenance ng MRT3 system. Sakop nito ang 16.9 kilometrong kabuuan ng linya, lahat ng 13 istasyon, 72 light rail vehicles (LRVs) sa MRT3 depot sa North Avenue sa Quezon City.
“All sub-systems will be restored, renewed or upgraded, including MRT-3’s track works, signaling system, power supply system, overhead catenary system, communications system, and maintenance and station equipment,” pahayag ng DOTr.
Kabilang din sa mga aayusin ang closed-circuit television camera (CCTV), public address systems, elevators at escalators sa mga istasyon nito.
Hindi pa naman inilalabas ng ahensya ang kumpletong detalye ukol sa rehabilitation work na gagawin ng Japanese consortium.
Sinabi naman ni DOTr communications director Goddess Libiran, na Sumitomo na ang bahala kung ano ang gagawin sa 42 mula sa 48 na hindi pa nagagamit na Dalian LRVs.
Una nang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na tutulong din ang kumpanyang tukuyin kung kailan maaaring gamitin at ikabit ang mga naturang bagon sa MRT3 system.
Matatandaang isinailalim na ng ahensya ang pangalawang set ng tren mula sa Dalian sa “reliability, availability, maintainability at safety validation test.”
“[Dalian trains could still be used if the adjustments identified in the audit are addressed] without sacrificing the safety, the security, and life of the passengers and the system,” paliwanag ng DOTr pagkatapos ng isinagawang independent audit ng German firm na TUV Rheinland.
PHILIPPINE Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr at Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda.
Muling pagkuha sa Sumitomo Corp.
Opisyal na nagbalik ang Sumitomo bilang maintenance provider ng MRT3 pagkatapos nitong pumirma ng kontrata kasama ang DOTr.
Ang Japanese consortium ang orihinal na maintenance provider ng MRT3 nang buksan ito noong 1999.
Makakatulong ng Sumitomo ang Mitsubishi Heavy Industries sa rehabilitasyon ng MRT3 upang ibalik ito sa orihinal na performance standards.
Bumibisita naman ang mga inhinyero ng Sumitomo-MHI sa MRT3 Depot araw-araw para sa mga advance transition works simula pa noong Oktubre 15.
“The return of our Japanese maintenance provider started October 15,” pahayag ni Transportation Undersecretary for Rails TJ Batan.
“They agreed even in advance of our loan agreement [signing] and Exchange of Notes and contract. This is the commitment of the government of Japan to accelerate the process.”
TRANSPORTATION Secretary Arthur Tugade
Loan para sa rehabilitasyon
Nagsagawa ng exchange of notes si Philippine Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. at Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda para sa MRT3 rehabilitation loan deal na nagkakahalaga ng P18 bilyon. Ginanap ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong Nobyembre ng nakaraang taon ay sinaksihan ito ni Batan.
“We all know that a safe and eco-friendly transport system is crucial to the Greater Manila Area and to the Philippines as a whole to realize sustainable economic growth and a comfortable life for Filipinos. This precisely where Japanese technology and expertise from years of railway experience come in,” pahayag ni Haneda.
Pinangako naman ni Locsin ang isang “better and safer commuting experience” para sa publiko. “We shall see improvements, service efficiency, security, and convenience.”
Una nang inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board at Investment Coordination Committee-Cabinet Committee (ICC-CabCom) ang P22.06 bilyon para sa rehabilitation project noong Agosto 2018.
Malaking halaga ng pondo para sa proyekto ay kukunin sa loan mula sa Japan, habang ang nalalabing halaga ay sasaluhin na ng pamahalaan.
TRANSPORTATION Undersecretary for Rails TJ Batan
Target na tapos ng rehabilitasyon
Sinabi ng DOTr na maaring magtagal ang rehabilitasyon ng MRT3 ng 43 buwan. Inaasahang makukumpleto na ito sa 1st quarter ng 2021.
Upang maiwasan naman ang malaking abala sa mga pasahero, siniguro ni Libiran na pananatilihin ng ahensya ang pagpapatakbo ng 15 bagon at unti-unti itong dadagdagan sa loob ng 26 na buwang pagsasagawa ng rehabilitasyon.
Sinabi naman ni Batan na umaasa ang ahensya na maaabot nito ang maximum na pagpapatakbo ng 20 tren sa loob ng 60 kilometro kada oras sa ika-26 na buwan ng overhaul ng MRT3.
Tatakbo ang mga set ng tren tuwing off-peak hours bago ito ilagay sa mainline ng railway system.
Kailangan naman matapos ang 1,000 kilometro na test run ng mga bagon ng Dalian sa loob ng 150 oras bago ito gamitin sa mga peak hours ng operasyon ng MRT3.
Nagsimula ang operasyon ng MRT3 noong 2000 at ang unang round ng general overhaul nito ay pinangasiwaan ng Sumitomo noong 2008.
Nakatakda naman sanang makumpleto ang pangalawang round ng overhaul nito noong 2016, ngunit tatlo lamang sa 43 tren nito ang naayos dahil sa pagkaalis ng maintenance provider nitong Busan Universal Rail Inc. noong Nobyembre 2017.