Ni: Louie Montemar
ANG paggamit ng mga survey bilang mga instrumento ng pag-unawa at pulitika ay dapat isaalang-alang nang maayos. Maigting na naman kasi ang usapin sa paggamit ng mga ito. Halimbawa, nariyan ang tanong kung mali ba ang magsagawa ng mga ganitong pag-aaral upang alamin kung sinu-sino ang napupulsuhan ng publiko upang maging senador? Maasahan ba ang resulta ng mga pag-aaral na ito?
Ang talagang gamit ng mga survey ay upang makuha ang pananaw ng publiko ukol sa isang usapin sa isang partikular na panahon. Kung maayos ang disenyo ng mga ganitong pag-aaral, makakatulong ito sa mga namumuno upang gumawa ng mga desisyong nakabatay sa impormasyon. Hindi naman talaga ginagawa ang mga ito upang guluhin ang mga eleksyon. Hindi naman paligsahan lamang sa katanyagan ang pamumuno at paghabi ng mga patakaran.
Kung labis tayong aasa sa mga survey, bakit pa tayo magsasagawa ng halalan? Bakit pa tayo may Malacañang o Kongreso at hindi na lamang tayo umasa sa mga taga-Pulse Asia at SWS at iba pang grupo ng mananaliksik para gumawa at magpatupad ng mga patakaran? Hindi na kailangan ang mga eleksyon at nakakapagod na negosasyon sa pagproseso ng mga desisyon. Hindi naman tama, ‘di ba?
Dapat nating unawaing mabuti ang disenyo ng mga lumalabas na survey at unawain ang kanilang limitasyon. Hindi matatawaran ang halaga ng mga pag-aaral na ito subalit hindi sila ang dapat magtukoy kung sino ang ating dapat na ihalal.
Tignan natin sa ganito ang surveys. Kung nais mong malaman ang lasa ng lahat ng mga putahe sa isang handaan, kailangan mo bang maubos ang lahat ng handa? Kung nais mong malaman ang lasa ng kare-kareng inihanda, kailangan mo bang maubos ang laman ng buong kaldero? Hindi naman di ba? Patikim-tikim ka lamang. Ganuon din ang public opinion surveys.
Ang mga ganitong pag-aaral ay gabay para sa matalinong pagdedesisyon. Gamit sila para mas maiayon sa interes ng mamamayan, hanggang maari, ang mga patakaran at programa ng pamahalaan.