Ni:Dennis Blanco
ANG mga matatanda na tinatawag din nating senior citizen, ay binubuo ng espesyal na grupo ng mga indibidwal na maaring ating mga magulang, lolo, lola, lolo at lola sa tuhod o sinomang bahagi ng ating pamilya na tumuntong na sa kanilang ika-animnapung taon.
Ang mga senior citizen ay may mahalagang papel sa lipunan sa aspeto ng paghubog ng kultural na pagkatao, pagpapanatili ng tradisyon, pagpasa ng mga pamanang pangkasaysayan at sa pagsasalin ng karunungan sa mga susunod na henerasyon. Kung kaya’t ang lipunan ay may tungkulin na pangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga senior citizen bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanilang paglilingkod na kanilang ibinigay sa pagbuo ng isang bansa bilang mga guro, sundalo, doktor, inhenyero, abogado o ano mang klase ng serbisyo para sa kanilang kapwa at sa bansa noong kanilang kalakasan pa.
Subalit minsan ang pagpapahalaga sa mga nagawa ng mga senior citizens ay nakakalimutan dahil sa mga pagbabagong dulot ng industriyalisasyon at globalisasyon. Nagiging madalas ang paglabag sa kanilang karapatan at pagsasawalang bahala sa kanilang kapakanan tulad na lamang sa pang-aabusong pisikal at emosyonal, pagpapabaya at pagmamaltrato. Dagdag pa rito ang kawalan ng kaseguruhan sa kalusugan at kawalan ng dignidad.
Ayon kay Blackburn and Dolmus (2007, p. 4), “walumpong porsiyento (80%) ng mga matatanda sa developing countries ay walang regular na sahod, ang mga tahanang may matatanda ay mas mahirap ng dalawamput-siyam na porsiyento (29%) kaysa sa mga kasambahayang walang mga matanda, at mahigit sa isang-daang milyon (100 milyon) na matatanda ay nabubuhay sa di hihigit na isang dolyar kada araw.”
Batay naman sa pag-aaral na isinigawa nila Cruz et al. (2017) mula sa 2007 Philippine Study on Ageing (PSOA) ay napag-alaman ang mga sumusunod na resulta: 1) ang mga Pilipinong higit sa animnapu ay may mababang sahod at pagmamay-ari, 2) ang mga matandang Pilipino ay may mababang natapos na edukasyon, 3) halos kalahati sa kanila ay may sapat na kalusugan subalit may pag-uulat ng mga sakit na arthritis, rayuma, high blood, pabalik-balik na sakit sa likod at katarata, 4) pito sa 10 matanda sa ating bayan ay nakatira sa kanilang mga anak at, 5) ang pangangailangan ng patuloy na pag-aaral at pagsasaliksik sa matandang populasyon para sa pagbalangkas ng mga polisiya at pagsasagawa ng mga programa para sa mga matatanda batay sa realidad.
Bagamat may may mga umiiral nang batas at program para sa mga matatanda tulad ng Medicare, Social Pension System, National Health Insurance at Senior Citizen’s Law, ang mga ito ay hindi sapat para tugunan ang mga hamon at pagsubok na kinahaharap ng mga matatanda tulad ng kahirapan, malubhang sakit at karamdaman, emosyonal at sikolohikal na karamdaman at higit sa lahat ang damdaming wala sa kanilang nagmamahal dahil sa pagkakawalay sa kanilang pamilya. Kaya’t mahalaga na magbuo ng isang elder-friendly community at elderly support group systems tulad ng ginagawa sa bansang Hapon kung saan mayroon silang “Toyotoma style day care” na isang community-based care system at “Mimamori style” na isa namang watch-out network system para sa matatanda. Sana ay matularan ito ng Pilipinas upang lalo pang mapag-ibayo ang pangangalaga sa ating mga nakakatanda, na siyang mga sumasalamin sa kabutihan ng ating lipunan.