PAG-AKYAT ng bundok ang isa sa mga pinakamahirap na pagsubok lalo na ang hamon na abutin ang pinakatuktok nito.
Ni: Kristine Joy Labadan
MARAMING katangian ang dapat taglayin upang masabi sa sarili na naabot mo na ang tagumpay ayon sa iba’t-ibang payo na makukuha sa mga babasahin, telebisyon at iba pa. Kung pagsasamahin ang mga iyon ay makakakuha tayo ng dalawang pangunahing katangian na siyang mga susi ng tagumpay sa buhay.
Ang pagbibigay sa sarili ng motibasyon ay isang paraan upang magkaroon ng sapat na lakas ng loob upang gawin ang isang bagay nang hindi nai-impluwensyahan ng iba. Bilang aplikasyon nito, naroon ang maingat at hindi tumitigil na pagsisikap para sa iyong layunin at ang hindi pagsuko anuman ang hamong kinakaharap. Ito ay ang dedikasyon na tapusin ang mga bagay at mapagtagumpayan ang mga pagsubok na kaakibat nito.
Kung tunay ngang isa sa mga mithiin mo ay ang mapagtagumpayan ang buhay, mahalagang ugaliin ang pagbibigay ng motibasyon sa sarili. Upang makamit ito’y dapat alam mo kung paano makapagbigay ng epektibong motibasyon sa sarili. Kailangang maging matibay ang iyong espiritu kahit pa gaano kahirap ng sitwasyon. Ang mga taong mabilis madismaya sa mga pagkakataong nagigipit ay siguradong talunan bago pa man matapos ang pinakahuling pagsubok. Ayon nga sa manunulat na si Ralph Waldo Emerson, “Finish each day and be done with it. You have done what you could.”