MULA sa kanan: El Nido Mayor Nieves Rosento, DILG Sec. Eduardo Año, DOT Sec. Bernadette Romulo Puyat, at DENR Sec. Roy Cimatu sa kanilang site inspection ng easement zone compliance sa El Nido.
Ni: Quincy Cahilig
ANG turismo ay isa sa mga industriyang nagpapasigla sa ekonomiya ng Pilipinas. Noong 2017, nakapag-ambag ito ng 12.7 porsyento sa gross domestic product (GDP) ng bansa bunsod ng pagdagsa dito ng nasa 6.6 milyong mga turista.
Batay sa 2018 World Travel & Tourism Council (WTTC) Power and Performance Report, ika-13 ang Pilipinas sa top 15 tourism powerhouses na nakapagtala ng “absolute growth” mula 2011 hanggang 2017. Ito’y nangangahulugan din ang patuloy na pagdami ng business and livelihood opportunities sa bansa bunsod ng masiglang industriya ng tursimo dala ng mga magagandang tanawing biyaya ng kalikasan sa mga Pinoy.
Subali’t sa paglipas ng mga panahon, dahil sa kapabayaan at pang-aabuso sa kalikasan, unti-unting nasisira ang ganda ng mga pangunahing tourist destination sa ating bansa. Na sa paglaon ay maaring makapagpatamlay na rin sa turismo at sa environment quality ng mga lugar na kinagigiliwan ngayon ng ating mga bisita.
Isang halimbawa ang pamoso sa buong mundo na Isla ng Boracay, na minsang tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “cesspool.” Ipinasara ito ng anim na buwan at malawakang rehabilitasyon ang isinagawa doon.
Sa pamamagitan ng “political will,” naisagawa ang rehabilitasyon ng Boracay. Tinanggal ang mga illegal na istruktura, isinaayos ang mga drainage at mahigpit na ipinatupad ang water treatment measures; muling nanumbalik ang ganda ng isla, na tanyag sa mala-pulbos na buhangin at malinaw na karagatan. Binuksan muli ito sa mga turista noong Oktubre 2018.
TARGET ng pamahalaan na i-rehabilitate ang Lungsod ng Baguio upang mapanumbalik ang dating ganda nito na dinadayo ng mga bakasyunista. Dahil sa overcrowding at pollution, unti-unting kumupas ang alindog ng sikat na tourist spot sa Northern Luzon.
Ibang tourist spots isusunod na
Ang rehabilitasyon ng Boracay ay bahagi ng mga pagbabagong nais isulong ng Pangulo at kanyang ipinangako sa bayan. Isa sa mga pagbabagong ito ay ang pag-una at masusing pangangalaga ng kalikasan.
SA kanyang mensahe sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City, binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga hotel sa paligid ng Manila Bay na maglagay ng wastong waste water treatment facility. Kung hindi ay ipapasara niya ang mga ito.
“Environmental protection and ensuring the health of our people cannot be overemphasized. Thus, our actions in Boracay marked the beginning of a new national effort. What has happened to Boracay is just an indication of the long overdue need to rationalize a holistic and sustainable manner, the utilization management and development of our lands,” pahayag ni Duterte sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address.
Pagkatapos ng Boracay, isusunod ang rehabilitasyon ng iba pang mga pangunahing tourist spots tulad ng El Nido, Palawan, Baguio City, at Manila Bay.
Dagat sa El Nido off limits pansamantala
Bago magtapos ang 2018, inatasan ni Environment Secretary Roy Cimatu ang municipal government ng El Nido na isagawa agad ang rehabilitasyon ng kanilang lugar.
“We will give you six months to rehabilitate El Nido,” sinabi ni Cimatu kay Mayor Nieves Rosento sa kanilang site inspection sa Barangay Masagana.
Bagama’t hindi lubusang isasara ang El Nido tulad ng Boracay, mahigpit na ipagbabawal naman ang paglangoy sa dagat dito dahil nakitaan ito ng mataas na antas ng fecal coliform bacteria na 1,300 parts per million (ppm), dahil dumidiretso sa dagat ang ilang linya ng sewerage system sa Isla.
“Kapag bumaba na sa 100 ppm saka lamang papayagan muli ang swimming sa dagat nito. Lalagyan ng marker sa baybay dagat na “off limits” doon, sabi ni Cimatu.
Sa loob ng anim na buwan, itatayo ang ikalawang sewage treatment plant sa El Nido. Lilimitahan din ang bilang ng mga turistang papayagang bumisita roon.
“Baka mas marami pang pumunta dito sa El Nido kapag nakitang malinis na ang beach area at malapad ang beach,” wika ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Base sa tala ng municipal tourism office, nasa 103,301 ang mga turista na bumisita sa El Nido noong Nobyembre 27, 2018.
Manila Bay, napipinto ang paglinis
Samantala, target din ng pamahalaan na linisin ang Manila Bay, na kilala sa buong mundo sa nakabibighaning sunset. Ngunit kung nais mong saksihan ang paglubog ng araw dito, di mo maiiwasang makita at maamoy ang mga basura at sari-saring duming lumulutang sa karagatan.
Kamakailan inatasan ng Pangulo sina Cimatu at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na umpisahan nang linisin ang Manila Bay. Kasama ang babala sa mga hotel sa paligid nito na maglagay ng wastong water treatment facility kung hindi ay ipasasara niya ang mga ito.
“Put water treatment [facilities] in your hotels or else I will close you. Do not dare me,” wika ni Duterte sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City. “If there are no tourists, then so be it. We will not die. You do something about your waste there or otherwise I will close it. That’s for sure.”
Subali’t aminado ang DENR na hindi magiging madali ang paglinis ng Manila Bay dahil sa lawak nito at sa dami ng pinanggagalingan ng polusyon na nagpapadumi nito.
“Although Manila Bay is known for having one of the most beautiful sunsets, its waters are considered the most polluted in the country due to domestic sewage, toxic industrial effluents from factories and shipping operations and leachate from garbage dumps, among others,” pahayag ng DENR.
Malaking hamon ang paglinis ng Manila Bay kaya ito ay pagtutulungan ng mga departamento ng gobyerno kabilang ang agriculture, public works, interior, education, health at budget; kasama ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Local Water Utilities Administration, Metropolitan Manila Development Authority, Philippine Coast Guard, Philippine National Police-Maritime Group at ang Philippine Ports Authority.
“Obviously the President was very receptive and happy to assist in whatever way he can towards the achievement of the Manila Bay rehab. Of course, it takes a lot of effort but if the national government is fully behind like what we saw in Boracay, nothing is impossible,” wika ni Juan Miguel T. Cuna, DENR Undersecretary for field operations.
Magandang simoy ng hangin sa Baguio, ibabalik
Popular na bakasyunan ang Baguio City dahil sa lamig ng klima dito at ang ganda ng mga tanawin. Sabi nga ng kanta ng Juan Dela Cruz Band, ito ang lugar na pupuntahan upang “magpalamig ng ulo.” Ngunit sa kalagayan ng Baguio ngayon, umiinit na ang ulo ng mga nagtutungo doon dahil sa overcrowding, pollution, at trapik. Hindi na rin nalalanghap ang simoy ng mga pine tree.
Kaya panawagan ng maraming residente, i-rehabilitate ang Baguio gaya ng Boracay. Bagay na suportado naman ng DENR.
“We will gladly be with you and give technical support and advice based on our experiences so as to save Baguio,” wika ni Cimatu na aminadong nawala na ang dating ganda nito.
“Pag akyat mo sa Baguio, kita mo na talaga ang maraming gusali na itinayo sa no build zone, maraming areas na hindi gumagana nang maayos ang sewerage system, yung inyo yatang basura dinadala pa sa Tarlac, so these are the things na pwedeng maayos,” ani Cimatu.
Pabor sa rehab, hindi sa closure
Sa pagrehab ng mga tourist spots, gaya ng nangyari sa Boracay, maraming kabuhayan ang matatamaan. Kaya ang panawagan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) huwag sanang shutdown ang ipatupad.
Ayon kay PCCI President Alegria Sibal-Limjoco, suportado ng kanilang grupo ang ginagawa ng gobyerno na preservation ng kalikasan pero sana gawin ang rehabilitasyon ng tourist destinations ng unti-unti o in phases imbes na closure, gaya ng ipinatupad sa Boracay
“Our position is do it in phases. We are saying, let’s also be inclusive — bring in all stakeholders in planning the rehabilitation,” dagdag ni Limjoco.
Paliwanag niya, naapektohan ng complete shutdown sa Boracay ang maraming negosyo doon at marami rin ang nahihirapan na maibalik sa dating sigla ang kanilang mga kabuhayan.
“PCCI also urges concerned LGUs (local government units) not to wait for the national government’s intervention but rather be more proactive in identifying and cleaning up their respective illegal waste disposal and sewer issues,” binigyang diin ng grupo.