Ni:Dennis Blanco
ANG pagsikip ng traffic sa kalakhang Maynila ay naging pagkaraniwang problema na ng mga motorista at mga pasahero. Dahil sa paglobo ng populasyon at pagdami ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga kalye ng Metro Manila, maging ito man ay jeep, bus, motor, kotse o mga pribadong sasakyan, malinaw na hindi sapat ang lawak at dami ng mga daan para ang lahat ng mga ito ay makapagbiyahe nang matiwasay lalo na sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) na bumabagtas mula sa kahabaan ng Lungsod ng Caloocan hanggang sa Lungsod ng Pasay.
Ayon kay Balaker at Staley (2008), ang traffic congestion ay nagpapabagal sa takbo ng ating personal na buhay. Pinahihirapan at naapektuhan nito ang ating mahalagang gawain mula sa paghahanap ng magandang trabaho, pagbibigay ng mahabang oras at panahon sa ating pamilya, maski na ang paghanap ng tamang pag-ibig at pagpapanatili nang mahusay na ugnayan sa ating kapwa. Dahil sa tindi ng trapiko araw-araw, ang isang manggagawa ay maaring ma-late o makapag-absent sa trabaho, ang isang magulang ay mawalan ng oras sa kaniyang pamilya, maubusan ng lakas at panahon para sa kaniyang mga mahal sa buhay, at ang isang drayber o pasahero ay uminit ang ulo at mapasabak sa away sa kanyang kapwa drayber o pasahero o ang sinasabi nating “road rage.”
Dagdag pa nila Balaker at Staley, “ang traffic ay nagpapabagal sa bilis ng buhay, at minsan ay pinapatigil o pinapawi nito ang buhay. Isipin na lang ninyo ang isang cardiac arrest na pasyenteng nag-aagaw buhay sa loob ng isang ambulansiya.”
Ang traffic congestion ay mayroong environmental, sosyal, politikal, ekonomiko at etikal na dimensiyon. Environmental dahil ang sama-samang pagbuga ng mga nakakasulasok na usok lalo na ng mga smoke-belchers na diesel-fueled na mga sasakyan ay nagdudulot ng matinding polusyon at kalaunan ay nakakaapekto sa ating kalusugan. Sosyal dahil naapektuhan nito ang oras, panahon at espasyong kailangang gugulin nang sapat ng bawat motorista at pasahero na nagdudulot ng sakit sa bulsa ng mga drayber at sakit sa ulo, at sa puso ng mga pasahero.
Politikal dahil ang problema sa trapiko ay suliraning sumasalamin sa kakulangan sa mahusay na pangangasiwa at tamang pagpaplano lalong lalo na sa aspeto ng urban transportation at urban planning. Ekonomiko dahil ilang produkto at serbisyo ang nasasayang ang oras ganun na rin ang mababa na produksyon bunga ng mabagal na paggalaw ng serbisyo at produkto. At ang epekto nito ay etikal dahil may mga away trapiko na kung saan ang mga motorista ay nagkakasagian, nagkakasingitan, nagkakabanggaan, at hindi nagbibigayan dahil sa init ng ulo dulot ng matinding trapiko. Hindi rin makakalimutan ang mas matindi pang mga kaso ng road rage na humantong na rin sa barilan sa ilang pagkakataong nakaraan.
Batay sa pag-aaral ng National Center for Transportation Studies noong 2011, na binanggit ni Visconti (2013), ang matinding traffic sa Metro Manila ay katumbas ng pagkawala ng 137.5 bilyong piso noong 2011. Ang katumbas ng nawalang pera ay halos doble ng dalawang buwan ng OFW remittances at katumbas ng 25 porsiyento ng kabuuan ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon naman sa datos ng World Bank (2013), halos 10 milyong residente na ang apektado ng masikip na daloy ng trapiko sa Maynila lalong lalo na sa EDSA na kung saan ang takbo ng mga sasakyan ay hindi na lumalagpas sa 15 kilometro kada oras sa ordinaryong araw. Kaya’t hindi na maipagwawalang bahala at sadyang lubos na mahalaga na maibsan ang hirap na dulot ng traffic congestion sa Metro Manila sa lalong madaling panahon.