Ni: Louie C. Montemar
SABI ng mga namamahala sa ating ekonomiya na aabot lamang sa 2.9% ang sukat ng inflation o ang paglobo ng mga presyo ng bilihin kahit pa nga aminado silang may pagsipa mula sa TRAIN 1 lalo na dahil sa buwis nitong pinataw sa mga produktong petrolyo nitong 2018.
Hindi inaasahan ang naging pagpalo ng inflation mahigit 6% nang ipatupad na nga ang TRAIN 1. Sa pagsasara ng 2018, umabot ang average inflation rate sa 5.2%, samantalang nasa 2.9% lamang ito noong 2017, at 1.6% noong 2016. Palpak ang tantiya ng pamahalaan na aabot lamang sa 4.0 ang inflation rate mula 2016 hanggang 2020! Ang 2018 inflation ang pinakamataas mula noong 2008; pinakamataas sa isang dekada.
Kung gayon, sa pagpasok ng 2019, huwag na tayong dapat magulat kung muling tataas ang presyo ng mga bilihin. Bakit? Dahil sabi na naman ng ating mga namamahala, hindi daw tataas pa ng higit ang inflation… at, oo nga pala, may bagong bahagi ng batas TRAIN ang ipatutupad—ang TRAIN 2. Itinaas nito ang pagbubuwis sa ilang mga bagay kabilang ang pinapataw sa mga aklat at lalo na ang dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo.
Sa napakaraming usaping nagsulputan nitong huling buwan, tila nalunod na ang isyu sa TRAIN 2, lalo na ang bagong pagtataas ng buwis sa petrolyo. Dagdag pa, dahil na rin ilang ulit nang bumaba ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, tila naisantabi ang usapin sa presyo ng mga bilihin. Wala na tayong narinig na matinding pagtutol o pagkwestiyon sa TRAIN 2 lalo na sa probisyon nitong pagtataas ng buwis sa mga produktong petrolyo.
Paano na ngayon? Tila maghihintay na lamang talaga tayo sa bagong pagtaas ng mga presyo. Hindi madaling isiping magiging maganda ang dagdag-buwis sa petrolyo. Nakita na natin ito nitong 2018. Mahirap ding basta maniwala sa mga nagsasalita para sa pamahalaan, dahil bukod sa naging mali na nga ang dating pagtarget ng mga ito sa inflation, nahaharap din tayo sa isang pagbagal ng takbo ng ekonomiya at kailangan isaayos ang target na paglago nito ayon sa mga kritiko.
Pinakamatingkad para sa nakararami ang pasasaayos sa ekonomiya. Dapat simulan ito sa pagtatama ng oryentasyon o disenyo ng TRAIN upang mapatupad ang isang progresibong sistema ng pagbubuwis. Ang ibig sabihin, buwisan kung sino ang mas may kayang pumasan ng buwis, at alalayan naman sa programang-serbisyo ng pamahalaan ang mga nangangailangan. Simulan ito sa pagpigil sa bagong dagdag-buwis sa mga produktong petrolyo na tiyak lamang na magtataas pa sa mataas na ngang presyo ng mga bilihin.