Ni: Jonnalyn Cortez
ISANG taon nang magkarelasyon sina Xian Lim at Kim Chiu at mapapansin sa dalawa ang kasiyahan nila.
Inamin ng 29-year-old Kapamilya actor na swak ang pagiging hyper ng kanyang nobya sa kanyang pagiging introvert.
“Introvert kasi ako, e. Kaya balanseng-balanse,” wika nito.
Madalas magbiyahe ang magkasintahan na naging daan upang lubos nilang makilala ang isa’t-isa. Kahit pa nga nagkakaroon ng mga problema, hindi umabot ang mga ito sa breakup.
“Hindi naman aabot sa ‘ayoko na sa ‘yo.’ Hindi naman aabot sa ganun,” dagdag nito.
Inalala naman ni Xian ang isang insidente kung saan nakapag-book ng apat na tour guide si Kim dahil sa pagiging hyper nito ng bumiyahe sila pa-China upang ipagdiwang ang Bagong Taon.
“Nataranta siya. ‘Xi, Xi, anong gagawin ko, Xi?’ Cancel, cancel, cancel. E, hindi pala na-cancel,” kwento nito.
“Dumating sa hotel, apat na kotse. A, ok… Binayaran namin.”
Kahit pa nga kinuwestiyon ni Xian ang pangyayari, sinabihan lang daw nito ang nobya na mag-chill lang at hindi naman umabot sa sumbatan.