Angkas CEO Angeline Tham pinangakong tutulungan ang mga Filipino commuters at drivers.
Ni: Jonnalyn Cortez
SA gitna ng maraming kontrobersya, inaprubahan na ng Kongreso ang bill upang gawing ligal ang paggamit ng ride-hailing app na Angkas at iba pang mga motorcycle taxi sa bansa.
Sa botong 181-0-0, sinang-ayunan ng mga lawmakers ang House Bill (HB) 8959 sa pangatlo at huling pagbasa.
Aamyendahan ng naturang panukalang batas ang Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code upang idagdag ang mga motorcycle-for-hire sa mga sasakyan na maaaring irehistro sa Land Transportation Office (LTO) na gagamitin bilang isang commercial vehicle na magdadala ng mga pasahero at mga produkto.
Ibig sabihin nito na kapag naisabatas na ang panukala, malaya nang makakabiyahe ang Angkas, habal-habal at iba pang motorcycle taxi at muling maseserbisyuhan ang mga Filipino commuters.
Sa ilalim ng panukalang batas, aatasan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtakda ng tamang presyo ng pamasahe at iba pang charges para sa mga motorcycle taxi.
LTFRB at Department of Transportation (DOTr) din ang magpapasya kung saang mga ruta lamang maaaring bumiyahe ang mga motorcycles-for-hire.
Hindi lamang ginagamit ang mga motorcycle taxi upang iwasan ang buhul-buhol na traffic sa Metro Manila, ginagamit din ito sa mga probinsya upang marating ang mga lugar na hindi naaabot ng mga jeepney at bus at ang mga kalyeng hindi maaaring maraanan ng sasakyan. Kaya naman, marami ang nagreklamo nang ipagbawal ito.
PAGTULONG SA MGA COMMUTERS
Nais ni Angkas CEO Angeline Tham na maintindihan ang mga taong hindi pabor sa paggamit ng Angkas at iba pang motorcycles-for-hire at ipakita sa kanila ang nagagawa at naitutulong nito sa parehong commuters at riders.
“What we are disrupting is, we are looking at new and innovative ways of doing things. People riding bikes, it’s been around for a long time. We want to make it more professional and safer. I think that’s the way of the future,” wika nito.
Bago magtapos ang taong 2018, nag-anunsyo ang DOT ng isang technical study na mag-classify sa Angkas bilang isang uri ng public transport. Naglabas din ang Supreme Court ng isang temporary restraining order na nagpapahinto sa mga otoridad na arestuhin ang mga driver nito.
Nakapag-file na rin ng iba’t-ibang bills upang amyendahan ang traffic code na nagbabawal sa paggamit ng Angkas bilang isang pampublikong transportasyon. Sa katunayan, iginiit ng Kongreso sa regulators na hayaang mag-operate ang naturang ride-hailing app.
“We’ve seen that change on the consumer side and were starting to see that change on the government front,” dagdag ni Tham.
Ayon kay Tham, isa sa tatlong Filipino ang nagmamay-ari ng motor. Kalahati rito ay ginagamit ang kanilang sasakyan para sa kabuhayan at lahat ng mga may-ari ay kabilang sa low-income households. Limang milyon lamang sa 14 milyong motorsiklo sa kalye ang rehistrado.
Habang hindi pa nakakapaglabas ng bagong guidelines o alisin ang TRO sa Angkas, mananatiling courier service ang 27,000 driver nito.
“When government says that motorcycles are really dangerous, I think the danger is not the motorcycle itself, because the motorcycle can be ridden in a way that is safe and responsible. It’s really the people using the motorcycles,” wika ni Tham.
Sinabi rin ni Tham na inuuna ng Angkas ang kaligtasan ng parehong pasahero at driver nito. Sa katunayan, kalahati ng kanilang mga aplikante ay hindi pumapasa sa unang subok pa lamang. Hindi rin natatanggap ang mga ito hangga’t hindi naipapasa ang mga pagsusulit.
Iginiit din ni Tham na gagawin nila ang lahat upang tulungan ang mga Filipino commuters at drivers.
PAG-ISSUE NG DEPARTMENT ORDER
Iginiit ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na maaaring mag-issue ang DOTr ng isang Department Order (DO) upang payagan ang mga ride-hailing app tulad ng Angkas at habal-habal na mag-operate tulad ng ginawa ng nakaraang administrasyon nang dumating ang Uber sa bansa noong 2015.
“We are asking for the issuance of a department order addressing two-wheel motor vehicles because it is needed to be done, how it was done for the [transportation network companies] and the [transport network vehicle services],” wika ng senador.
Sinabi naman ng DOTr na kailangan pa nila ng maraming oras ubang payagan ang mga motorcycle taxis na bumiyahe sa kalye.
“The issue at hand cannot be likened to that of Transport Network Vehicle Service (TNVS), as cited by some senators and congressmen. A DO should always be based on existing laws,” pahayag ng DOTr.
Pinaliwanag ng departamento na partikular na inuri ng Land Transportation and Traffic Codes na hindi for hire at hindi rin para sa public utility ang mga motorsiklo.
“According to Republic Act 4136, passenger automobiles may be classified as either private or public (for hire), depending on its purpose. Thus, although TNVS units were initially classified as private vehicles, their transition to public transport only required a conversion to another classification. RA 4136 clearly does not allow motorcycles to be classified as for hire or for public utility, dagdag pa ng DOTr.
Iginiit ng ahensya na kinakailangan magkaroon ng isang batas na mag-aamyenda sa kasalukuyang RA 4136 upang mapayagang mag-operate ang mga motorcycle taxis.
Matatandaang nag-file ng Senate Bill No. 2173 si Recto na naglalayong payagang mag-operate ang mga motorcycles-for-hire sa bansa.
Parehong sinang-ayunan ni Recto at Sen. Grace Poe na ang kasalukuyang pagbabawal ng paggamit ng Angkas ay nagdudulot lamang ng mga iligal na aktibidad ng mga habal-habal na naglalagay naman sa alanganin ng kaligtasan ng mga commuters.
Sinabi rin ng mga opisyal ng DOTr na hinihintay pa nito ang resulta ng isang pag-aaral ng technical working group (TWG) patungkol sa mga kritikal na usapin na nakapalibot sa paggamit ng motorsiklo.
Pinaliwanag ng ahensya na ang TWG meetings ang hahawak sa mga uri ng motorsiklo na maaaring mag-operate bilang motorcycle taxi, insurance coverage para sa mga pasahero, standard riding gears, maximum speed ng Angkas bikes at marami pang iba.
NATIONAL PILOT TESTING
Inatasan naman ng Kongreso ang DOTr na magpatupad ng isang nationwide pilot run sa paggamit ng motorcycle taxis tulad ng Angkas sa kabila ng freeze order ng Supreme Court.
“Now that we have established that Angkas is safe, fast, affordable and is relied upon by thousands of Filipino commuters, the committee now comes up with a resolution urging the DOTr to immediately allow Angkas a pilot run nationwide,” wika ni Quezon City Rep. Winston Castelo.
Inatasan din ang ahensya sa ilalim ni Secretary Arthur Tugade na gumawa ng draft para sa implementasyon ng mga guidelines para sa operasyon at regulasyon ng Angkas.
Ilan sa mga lawmakers at resource persons na naggarantiya na epektibo at ligtas ang Angkas bilang isang uri ng pampublikong transportasyon ay sina Reps. Cristal Bagatsing ng Maynila, Arnolfo Teves Jr. ng Negros Oriental, at Angkas operations director David Medrana at spokesman George Royeca.
Sinabi naman ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo na walang masama kung gagawing ligal ng gobyerno ang paggamit ng mga motorcycle taxi upang solusyunan ang lumalang problema sa pampublikong transportasyon.
“They’re very prevalent in the provinces and they’ve existed for a long, long time already. I don’t see why they shouldn’t be legalized,” wika ni Romualdo na siya namang chairman ng House committee on good government and public accountability.
“Government would then be able to properly regulate them if they’re legalized,” dagdag pa niya.