Nananatiling mataas ang kumpiyansa ng mga Pilipino kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
SA kabila ng kaliwa’t kanang pambabatikos at pagpukol ng mga isyu kay Pangulong Rodrigo R. Duterte, hindi pa rin natitinag ang tiwala ng maraming Pinoy sa lider ng bansa.
Ito ay kahit na tahasan niyang binabatikos ang Simbahang Katolika; may mga kaso ng extra judicial killings na resulta ng kanyang war on drugs; may nakapuslit na bilyon-bilyong halaga ng shabu shipment sa Bureau of Customs; epekto ng TRAIN Law sa inflation rate; paglaya ng mga politikong noo’y ikinulong dahil sa kurapsyon; at ang malambot na paninindigan sa isyu ng pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea.
Batay sa resulta ng latest Pulse Asia survey, “approve” ang performance ng Pangulo para sa 81 porsyento ng mga Pinoy, samantalang 76 porsyento ang nagtitiwala sa kanya.
Naniniwala ang Malacañang na suportado ng nakararaming Pinoy ang Pangulo dahil sa kanyang political will, na sa kabila ng mga pagkontra, isinasagawa niya pa rin ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang makabubuti sa bayan hindi lamang para sa kasalukuyan kundi maging sa hinaharap. At nasasaksihan ng mamamayan ang mga resulta.
TANGIBLE RESULTS
Isang pangunahing halimbawa ng pagtatagumpay ng political will ng Pangulo ay ang pagsasalba mula sa tuluyang pagkasira ng Boracay Island. Sa loob ng anim na buwan ay ipinasara ng gobyerno ang pangunahing tourist destination ng bansa, na minsang tinawag ni Duterte na “cesspool,” upang bigyang daan ang rehabilitasyon nito. Sa huli, sa kabila ng mga pambabatikos, nakita ng buong mundo ang mabuting bunga ng hakbang na ito ng Duterte administration.
Kasunod ng matagumpay na Boracay rehab, isinunod naman sa paglilinis ang Manila Bay. Sa pagsisimula ng clean-up drive dito, marami na ang nagalak sa pagkawala ng tone-toneladang basura sa dalampasigan, bagay na hindi nakita sa mga nagdaang administrasyon. Nagtrending pa sa social media ang pagdagsa ng mga tao, at maging mga ibon, sa malinis na Manila Bay. Nguni’t hindi dito nagtatapos ang paglilinis sa Manila Bay, dahil marami pang kailangang maisaayos tulad ng paglilinis ng mga maruruming ilog na tumatagos dito at ang pag-obliga sa mga establisimyento sa paligid ng Manila Bay na magkaroon ng sapat na waste water treatment facility.
Mula ng ipinatupad ng Pangulo ang war on drugs, mariing pinupuna na ito ng mga human rights groups dahil sa mga umano’y paglabag ng ilang miyembro ng kapulisan sa karapatang pantao ng mga drug suspects. Pero wala pa rin pagbabadya kung mag-slow down ang naturang kampanya dahil determinado si Duterte na ipagpatuloy ang pagsupil sa iligal na droga na sumisira ng maraming buhay.
“Drug is really killing my country and I have to protect my country. Me? I’m determined. I’m ready to do anything at all. Anything basta mahinto lang ito. I will go to the extremes. Anything,” wika ni Duterte.
Ayon sa data ng Real Numbers PH, nasa 271 drug dens at clandestine laboratories ang binuwag samantalang ang bilang ng anti-drug operations ay umabot na ng 113,570 na nagresulta sa pagka-aresto ng 161,584 na mga indibidual, at pagkamatay ng 4,999 drug personalities.
Tila dama ng mamamayan ang tagumpay ng giyera kontra droga dahil batay sa SWS survey, 78 porsyento ng mga adult Filipinos ang “satisfied” dito. Ayon naman sa Pulse Asia, 77 porsyento ang nagsabi na ito ang “most important achievement” ng Duterte administration.
Hanga rin si Sri Lanka President Maithripala Sirisena sa maigting na laban ng gobyerno kontra droga at nais niya itong gayahin upang masugpo rin ang problema ng iligal na droga sa kanyang bansa.
“Excellency, the war against crime and drugs carried out by you is an example to the whole world, and personally to me. Drug menace is rampant in my country and I feel that we should follow your footsteps to control this hazard,” wika ni Sirisena sa kanilang meeting sa Malacañang.
MGA HAMON SA POLITICAL WILL NI DUTERTE
Pinayuhan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang Duterte administration na sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino ay kailangan nitong makapag-produce ng resultang madadama ng taongbayan sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Dagdag pa ni Arroyo, na dating pangulo at ekonomista, dapat hindi na maulit pa ang pagsirit ng inflation rate na pinagdaanan ng bansa noong nakaraang taon, na umabot pa sa 6.7 porsyento, na pinakamataas na naitala sa loob ng siyam taon. Ang inflation average ng bansa noong 2018 ay naitalang 5.2 porsyento, mas mataas sa target ng gobyerno na dalawa hanggang apat na porsyento.
“The focus now must be on implementing things quickly and efficiently, in all fronts. This is consistent with some Cabinet members’ call for vigorous implementation of the government’s infrastructure program,” payo ni Arroyo.
Samantala, hinimok naman ni Senador Panfilo Lacson na i-veto ng Pangulo ang “pork” insertions sa P3.757-trilyon national budget para sa 2019.
Sa kanyang Twitter post, sinabi niya na magagawang matanggal ni Duterte ang pork barrel mula sa national budget, alinsunod sa 1987 Constitution.
“Mr. President, you have displayed your strong political will on several occasions. This time, use your line-item veto power over the 2019 appropriations measure by removing all the pork inserted by lawmakers who are incorrigibly insatiable and simply beyond redemption,” aniya.
Bago ang pahayag, isiniwalat ni Lacson ang bilyun-bilyong halaga ng pork barrel na nakasingit sa inihaing budget, kabilang dito ang P160 milyon kada kongresista. Kaya naman hinamon niya ang mga kapwa mambabatas na isapubliko ang kanilang amendments sa budget bill.
“The national budget belongs to the people because it comes from taxpayers’ money. It is bad enough if the money is not used properly; it is much worse if the money is abused by those in government in the form of pork,” pahayag ni Lacson. “The national budget is the lifeblood of our country. If we allow pork to ruin the budget, we – taxpayers will suffer.”
Sagot naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno, si Pangulong Duterte ang may final say sa 2019 budget. Nguni’t sisiyasatin ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga alegasyon ng pork insertions sa ratified version ng proposed General Appropriations Act.
Maglalabas umano ang DBM ng statement of difference, na nagpapakita ng mga detalye ng pagbabago sa original budget proposal at sa version na niratipikahan ng Kongreso.
“If it’s an improvement over our proposal, we recommend concurral, hindi namin ivi-veto. But if it’s worse than what we proposed, we might recommend a veto—line-item veto,” sabi ni Diokno.nSina Pangulong Rodrigo Duterte at Democratic Socialist Republic of Sri Lanka President Maithripala Sirisena sa kanilang expanded bilateral meeting and State Banquet sa Malacañang.