Ni: Dennis Blanco
ANG corporate social responsibility (CSR) ay isang magandang konsepto na nakapukaw ng atensyon ng mga kompanya di lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Sa teorya at praktika, umaangkop ang CSR sa mga isyu at hamon sa larangan ng sosyal, politika, ekonomiya, sibiko at kalikasan na kung saan ang mga pribadong korporasyon ay nagbabahagi ng kanilang kakayahan, talento, at kayamanan upang maibsan ang mga problema ng mga mamamayan at ng lipunang kanyang ginagalawan.
Hindi makakaila na ang mga CSR na inisyatibong programa ng mga pribadong sektor ay nakakatulong ng malaki upang palakasin ang kapasidad ng mga pamayanan, institusyon at lipunan upang malutas ang mga suliraning may kinalaman sa kahirapan, kalusugan, edukasyon, pabahay, kalikasan, karapatang pantao at iba pang mga aspeto na may kinalaman sa kaunlaran, ito man ay human development o sustainable development.
Ayon sa United Nations, ang CSR ay “ang pangkalahatang kontribusyon ng mga negosyo sa sustainable development”. Samakatuwid, ang adhikain ng CSR ay palakasin ang partisipasyon ng mga korporasyon sa lipunan, mapalawak ang saklaw ng kooperasyon sa pagitan ng mga pribadong korporasyon, gobyerno at civil society nang sa gayon ay maranasan at maramdaman ng mga tao at ng lipunan ang benepisyo na dulot ng pagnenegosyo.
Batay sa United Nations Global Compact, may sampung prinsipyo ang CSR para sa negosyo. Ito ay ang mga sumusunod: 1) ang mga negosyo ay dapat na itinataguyod at iginagalang ang pandaigdigang karapatang pantao, 2) siguraduhing ang mga negosyo ay hindi kasangkot sa paglabag ng mga karapatang pantao, 3) ang mga negosyo ay dapat na itinataguyod ang freedom of association at kinikilala ang right to collective bargaining, 4) ang pag-alis ng lahat ng anyo ng sapilitang pagtatrabaho, 5) ang mahusay na abolition ng child labor, 6) ang pag-alis ng anumang uri ng diskriminasyon sa trabaho at propesyon, 7) ang negosyo ay dapat na may precautionary approach sa mga banta at hamon ng kalikasan, 8) magsagawa ng mga inisyatibo upang maitaguyod ang mas maigting na pangangalaga sa kalikasan, 9) suportahan ang kaunlaran at kalinangan ng mga environmentally friendly technologies, at 10) ang negosyo ay dapat tumulong sa pagsugpo ng ano mang uri ng katiwalian o korapsyon, kasama na ang extortion at bribery.
Lumalabas na ang 10 Prinsipyo na ito ng CSR ng mga negosyo ay nagbibigay diin sa tinatawag nating New Public Square, na binubuo ng dimensyon ng karapatang pantao, karapatan ng manggagawa, kalikasan at pagsugpo sa katiwalian o korapsyon. Kung inilalarawan ni Carroll (2011) na ang politika, ekonomiya, sosyal at sibil na pamumuhay ang apat na haligi ng CSR na mas kilala sa public square noon, sa pangkalahatan, ay maituturing na ang 10 Prinsipyo ng CSR ayon sa UN Global Compact ang makabagong public square sa mas partikular at konkretong pananaw.
Sa bandang huli, ang CSR ay interesante at makabuluhang paksa sa teorya at praktika sa larangan ng pamamahala at pagnenegosyo. Bagama’t may malaking hamon pa rin ang ang pagpapatupad ng CSR sa parte ng mga pribadong korporasyon, hindi maikakaila na malaking bahagi ang ginagampanan nito upang ang buhay sa lipunan ng taumbayan ay maging mariwasa at matiwasay.
Sanggunian:
Carroll, A.B. (1979) ‘A Three-Dimensional Conceptual Model of Corporate Social Performance’, Academy of Management Review 4 (4): 497–505.
Unglobalcompact.org. 2019. The Ten Principles of UN Global Compact. Accessed https://www.unglobalcompact.org/what-is-gc/mission/principles on January February 1, 2019