Ni: Dennis Blanco
ITONG mga nakaraang linggo naging mainit na usapin ang panukalang pagpapababa sa edad na siyam na taon ng age of criminal liability ng mga bata ng Mababang Kapulungan. Subalit dahil sa mga pagtutol ng iba’t ibang sektor ay napilitan itong baguhin sa 12 taon ang age of criminal liability na naipasa sa ikalawang pagbasa. Binago rin ang termino mula sa “age of criminal liability,” ito ay naging “age of criminal responsibility,” at nang lumaon ay naging “age of social responsibility.”
Meron ding nakabinbing panukala sa Senado na naglalayong ibaba naman ang age of criminal liability sa 12 o l5 taon. Ngunit ano pa man ang itakda ng batas na age of criminal liability ng isang bata, hindi ito sasapat para ibaling ang sisi sa mga bata lamang sa mga krimen na kanilang nagawa. Lalong-lalo na kung ang mga batang ito ay nabibilang sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Maaring ang mga bata ay biktima rin ng kahirapan, kawalan ng edukasyon, kakulangan sa pagmamahal at pagkalinga ng kanilang mga magulang, pang-aabuso at pananakit na pisikal, emosyonal at berbal ng mga taong nakapaligid sa kanila at pinagkaitan ng katarungan ng mga taong karaniwan ay nasa poder ng kayamanan at kapangyarihan. Samakatuwid, may pananagutan ang bawat institusyong panlipunan kung bakit may mga batang gumagawa ng krimen.
Nangyayari ito, hindi dahil alam nila at pinili nila itong gawin batay sa kanilang karunungan at kalinangan kung hindi ang mga problemang panlipunan tulad ng kahirapan, kawalang katarungan, karahasan at kakulangan sa sapat na edukasyon ang nagbubunsod at nagtutulak sa kanila na gawin ang mga bagay na taliwas sa itinakda ng batas. Mahalaga na usisain na ang paggawa ng krimen ng mga bata ay isang posibleng resulta at implikasyon ng hindi pagkapantay-pantay na dulot ng historikal na kolonyalismo, sistemang feudalismo at ekonomiyang kapitalismo.
Batay sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at Philippines Statistical Authority (PSA) noong 2015, ang mga kaso ng karahasan laban sa mga batang Pilipino ay domoble sa loob ng nakaraang limang taon. Karamihan sa mga krimen laban sa mga bata noong 2012 ay may 4,025 na kasong karaniwan ay paglabag sa Republic Act 7610 o ang Child and Youth Welfare Code. Ang iba pang anyo ng karahasan laban sa kanila ay pisikal na pananakit at pagmamaltrato na may 3,566 na kaso at panggagahasa na may 3,355 na kaso.
Kaya’t hindi lamang may mga batang kriminal, kung hindi mayron ding mga batang manggagawa, batang walang makain at mga batang maagang binabawian ng buhay dahil sa kawalan ng sapat na gamot, nutrisyon, kalusugan at katarungan. Pagbibigay ng sapat na edukasyon, kalusugan, nutrisyon, at kung paano ibsan ang kahirapan ang mas higit sanang bigyang pansin ng estado sa pagbalangkas ng mga batas, programa, at proyekto para sa kapakanan at kagalingan ng mga bata. Dahil ang kahirapan, kapabayaan, karahasan at kapalaluan ang mga ugat ng kriminalidad.
Makabuluhang makita ng estado, lalo na ng mga mambabatas, na ang usapin ng age of criminal liability ay mas malawak pa sa usaping legal at politikal, subalit may kaakibat na pag-aaral at pang-unawa ring nagmumula sa ekonomiko, moral, etikal, sosyal at institusyonal na kadahilanan at katuwiran.