Marami sa atin ang hooked sa paggamit ng smartphone, kaya naman panahon na upang mag-digital detox.
Ni: Jonnalyn Cortez
SA NGAYON, maraming tao ang gumugugol ng napakahabang oras gamit ang kanilang mga smartphones. Nariyan ang mag-selfie, mag-update ng status sa Facebook, Twitter at Instagram, mag-laro, mag-email at marami pang iba. Meron ngang ilang gamit ang kanilang cellphone para sa trahabo.
Ngunit, kailan mong masasabi na sobra na at tama na? Kaya mo bang gawin ang digital detox o digital diet upang gamitin ang iyong oras para gawin ang mas importanteng bagay?
Hindi makakaila na maraming benepisyo at pinapadali ng digital world ang buhay ng mga tao. Sa isang click, maaari mo nang gawin at makita lahat, kaya naman marami ang nahuhumaling dito. Pero, gaano kahabang oras ba ang nawawala sa buhay mo gamit ito?
Ang digital detox ay isang hakbang upang matukoy kung ano talaga ang pinakaimportante at pinakamahalagang app at devices ang kinakailangan mo.
Malaki ang pakinabang sa paggamit ng mga digital devices ngunit parang ito na ang kumokontrol sa iyong buhay.
Hindi nga siguro madali sa ilan ang ihinto ang paggamit ng social media apps ngunit maaaring makasanayan ito kapag nasimulan.
Ang sunud-sunod na notification mula sa iyong Messenger at e-mails ay maaaring sirain ang iyong konsentrasyon at focus sa paggawa ng mas importanteng bagay. Mahalagang matutunan ang tunay na dahilan ng paggamit ng social media at huwag hayaan na kontrolin ka nito.
Ayon sa librong “The 4-Hour Workweek” ni Timothy Ferriss, maaari mong simulan ang digital detox sa pamamagitan ng pagbibigay ng limitasyon sa iyong sarili. Bawasan ang pagbabasa ng mga tsismis online, spam emails at status updates.
Pwede mo ring patayin ang notifications sa iyong cellphone upang maiwasan ang pag-check ng iyong digital devices kada sandali. Ang pagbabasa ng notifications ay maaring mag-udyok sa iyo na mag-scroll at mag-check ng iyong buong social media account.
Maaari ka rin magtakda ng “low info day” kung kailan iiwas kang gamitin ang iyong digital devices at gumawa ng mga bagay sa real world. Hindi lamang nito mabibigyan ng sapat na oras ang iyong sarili at ang mga mas importanteng bagay, kundi mapapanatili mo rin ang iyong mental well-being.
Importanteng masanay gawin ang digital detox upang makita ang mga mas importanteng bagay na dapat gawin. Ang pag-iwas o pagbabawas ng oras na ginugugol gamit ang smartphone ay magbibigay ng mas maraming oras upang matapos ang iba pang mga trabaho.