Comelec makikipagtulungan sa Facebook para sa pagseguro ng integridad ng darating na eleksyon.
Ni: Jonnalyn Cortez
NALALAPIT na ang 2019 midterm elections at may mga bulung-bulungan na posibleng magkaroon ng “no-election scenario” dahil sa mungkahing reenacted budget ni Senate President Vicente Sotto III.
Pinaliwanag ni Sotto na mas mabuti pang gumamit na lamang ng reenacted budget ngayong taon, kesa ipasa ang proposed 2019 General Appropriations Act (GAA), na sinasabing naglalaman ng bilyun-bilyong kwestyonableng insertions mula sa Kongreso.
Binura naman ni Senate Finance Committee chair na si Sen. Loren Legarda ang mga agam-agam nang siguruhin nitong may sapat na pondo ang gobyerno upang tustusan ang nalalapit na eleksyon, kung sakaling matuloy ang paggamit ng reenacted budget.
“We would like to assure the voting public and our government personnel that the Department of Budget and Management (DBM) will source the necessary funds for the midterm elections,” wika ng Senadora sa bicameral conference committee.
Paliwanag pa nito, personal niyang tinawagan ang mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) at sinabi ng mga ito na ang pondo para sa eleksyon ay kukunin mula sa hindi pa nagagamit na P10 bilyong pondo ng Commission on Elections (Comelec) at Contingency Fund, na nasa ilalim ng Office of the President.
INIHAYAG ni Comelec spokesman James Jimenez na 90 porsyento nang handa ang Comelec para sa darating na eleksyon.
TULOY ANG ELEKSYON
Bukod sa nakaambang paggamit ng reenacted budget, may mga agam-agam ding hindi matutuloy ang 2019 midterm elections dahil sa Charter Change (Cha-Cha).
Sinabihan ng mga Katolikong obispo ang publiko na maging alerto sa diumanong tangkang ipawalang-bisa ang eleksyon sa Mayo.
Pinabulaanan naman ito ng Malacañang sa isang pahayag.
“There is no connection with that [federalism and no-election scenario]. I cannot see any connection. The President said there will be elections and it will be clean, honest and credible,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
VOTE counting machines hindi pa madadala sa NPO.
COMELEC, PUSPUSAN ANG PAGHAHANDA
Puspusan naman ang paghahanda ng Comelec para sa darating na 2019 midterm elections.
Inihayag ni Comelec spokesman James Jimenez na 90 porsyento nang handa ang komisyon.
“But as you know very well, it is the last 10 percent that takes forever,” wika nito.
Isa sa mga kailangang gawin bago sumapit ang eleksyon ay ang printing ng mahigit 60 milyong balota at ang paglalabas ng opisyal na listahan ng mga kandidato na tatakbo para sa national at local positions.
Hindi nga lang masiguro ni Jimenez kung kailan nila masisimulan ang printing dahil sa ginagawang mga pagkukumpuni sa National Printing Office (NPO), na siya namang naatasan na mag-print ng mga balota.
May patuloy na konstruksyon na ginagawa sa NPO at sinasabing napuno na ng alikabok ang lugar. Ayaw umanong ipagsapalaran ng Comelec na dalhin ang mga vote counting machine (VCM) sa NPO dahil na rin baka masira ito dahil sa alikabok.
Pagkatapos ng konstruksyon at nalinis na ang lugar, saka lamang pwedeng umpisahan ang pag-imprenta. Kung hindi naman, posibleng magkaroon ng delay.
“We just want to make sure that the verification process would not be affected because the printing is fast, it is the verification of the ballots that takes a long time, that is tedious because each ballot is manually fed into the machine,” paliwanag ni Jimenez.
“But you know in terms of the logistics, in terms of the structures, partnerships all of those are falling into place,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ni Jimenez na 24 oras silang mag-print ng balota kapag nasimulan na nila ito at magdaragdag din sila ng mga tao.
BALLOT ngayong taon, asahang mas mahaba kaysa sa pangkaraniwan.
MAS MAHABANG BALOTA
Asahan naman ng mga botante na makakita ng mas mahabang balota ngayong darating na eleksyon dahil na rin sa mas maraming kandidato, tulad ng mga party-lists at senador, ang tatakbo ngayong taon.
“Our estimated length of the ballot is it will be 22 to 24 inches,” pahayag ni Jimenez.
Naglabas na ang Comelec ng listahan ng mga kandidato at meron itong 76 senatorial aspirants. Gayunpaman, maaari pa itong mabawasan dahil sa 13 dito ay naghihintay pa ng Certificates of Finality bago tanggalin ang kanilang mga pangalan sa balota.
Magkakaroon din umano ng pagbabago sa mga balotang gagamitin sa eleksyon.
Makikita na ang listahan ng mga party-list groups sa likod ng balota.
Ang mga makikita naman sa harap ay ang mga pangalan ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon tulad ng mga kumakandidato sa House of Representatives, provincial governor at vice governor. Kabilang din dito ang gustong maging miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, tulad ng mayor at vice mayor, at miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
PAGPROTEKTA SA INTEGRIDAD NG ELEKSYON
Pinangako naman ng social media company na Facebook na sisikapin nitong protektahan ang integridad ng midterm elections sa bansa.
Sinabi ni Facebook director for global politics and government outreach Katie Harbath na nakikipagtulungan sa Comelec ang kumpanya at iba pang mga organisasyon upang maiwasang maabuso ang paggamit ng naturang platform.
“The goal of Facebook in elections is to make it harder to interfere with elections on the platform, and easier for people to make their voices heard in the political process,” wika nito sa isang press briefing.
“We are committed to tackling all kinds of inauthentic behavior and abuse on our platform, which we know often intensify during elections – from misinformation, misrepresentation and foreign interference, to phishing, harassment and violent threats – and we have dedicated teams working on every upcoming election around the world,” dagdag pa ni Harbath.
Makikipagtulungan din ang Facebook sa Comelec upang magsagawa ng conduct training para sa online safety para sa mga field officers at gagamitin ang platform na mag-share ng mga election updates at hikayatin ang mga botanteng lumahok sa eleksyon.
Sinabi naman ni Jiminez na kinikilala nila kung paano ginagamit ng mga kandidato at botante ang Facebok at kung paano gamitin ng mga tao upang malaman ang mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga lider. Maaari rin nitong gawing “more accountable” ang mga namumuno sa kanilang mga nasasakupan.
“We are working closely with Facebook to deter threats to election integrity and ensure that we mitigate risks to safety during the midterm elections,” wika ni Jimenez.
Nakatakdang maganap ang 2019 midterm elections sa Mayo 13.