Ni: Jonnalyn Cortez
NILINAW ni Bb. Joyce Bernal ang mga pagbabagong magaganap sa pelikulang Children of the Lake, ang pelikula tungkol sa Marawi siege na pagbibidahan nina Piolo Pascual at Robin Padilla.
“Ano kasi, nung nag-iba ng direktor… so ako na yung direktor, nung binasa ko yung script hindi ko na sila nakikita na the way na kina-characterize sila nung original director,” pahayag ni Joyce sa PEP.
“So hindi na sundalo for me si Robin, hindi na sundalo si Piolo for me. So nag-iba, kasi nga ako yung direktor, so mag-iiba na yung takbo ng istory,” dagdag pa nito.
Si Sheron Dayoc ang orihinal na director ng Children of the Lake, ngunit nag-resign ito noong September 2018. Spring Films naman ang producer ng pelikula na pagmamay-ari naman ni Joyce, Piolo, at Erickson Raymundo.
Nang tanungin kung bakit nag-backout si Direk Sheron, pinaliwanag ni Joyce na kahit pa pareho ang gusto nilang ipahayag, magkaiba naman ang kanilang napuntahan.
“So magkikita rin naman, kaya lang magkaiba kami ng ways. Kasi hahanapin mo kung ano ba talaga yung kailangan ng pelikula? Iba yung pinuntahan niya. Hindi yun ang kailangan ng pelikula na gusto naming sabihin,” paliwanag ng kilalang direktor.
Siniguro naman ni Joyce na matutuloy ang paggawa ng Children of the Lake at kabilang pa rin dito sina Robin at Piolo.
Tungkol sa mga taga-Marawi ang tema ng nasabing pelikula at ito ang magiging papel nina Robin at Piolo. Ibang artista naman umano ang gaganap bilang mga sundalo.