Madalas makaramdam ng sakit sa likod ang marami sa atin at maraming dahilan kung bakit nararamdaman ito.
Ni: Jonnalyn Cortez
KARANIWAN nang nararamdaman ang pananakit ng likod mapa-bata man o matanda. Maaaring simpleng pangangalay lang ang nararamdaman, ngunit pwede ring seryosong kondisyon na ito.
Maraming iba’t-ibang uri ng back at spine conditions, ngunit ito ang tatlo sa pinakakaraniwan.
Prolapsed intervertebral disc (PID)
Mas kilala sa tawag na slipped disc ang prolapsed intervertebral disc (PID). Ito ay parang gel na tissues na nakapagitna sa iyong mga buto upang i-absorb ang shock. Kahit pa nga hindi ito dumudulas sa kinalalagyan, maaari itong mamaga at madiinan ang iyong mga nerves kung nalagyan ng sobrang pressure na siya namang magdudulot ng matinding sakit.
Madalas nakakaranas nito ang mga taong laging nagbubuhat ng mabibigat. Maaari rin itong maramdaman kung mali ang iyong posture at kung may mabigat na pressure sa iyong mga joints. Madalas maramdaman ang sakit sa lumbar spine region at lower back.
Spondylosis
Madalas naman makaramdam ng spondylosis ang mga taong nakayuko nang matagal na oras. Karamihan sa mga nakakaramdam nito ay ang mga nagtatrabaho at gumagamit ng smartphone na laging nakayuko.
Karaniwan ding tinatamaan ng kondisyon ang mga tumatanda dahil na rin sa pagkaubos ng fluid sa discs na nagdudulot ng paninigas, posibleng pag-crack at flake away. Madalas mangyari ito sa mga edad 70 hanggang 80-taong-gulang, ngunit may mga kaso na rin ng mga pasyenteng nasa edad 40.
Scoliosis
Karaniwan na ngang sakit sa likod ang scoliosis, lalo na sa mga kababaihan. Sabi ng isang diagnostic radiographer II mula sa Hong Kong Adventist Hospital na inborn ang kondisyon at wala pang nalalamang dahilan kung bakit nagkakaroon nito.
Isa sa mga sintomas ang hindi pantay na balikat. Makikita naman sa X-Ray ang pa-C o pa-S na hugis ng buto sa likod na iba sa pangkaraniwang diretso lamang. Maaaring maapektuhan ang baga at puso ng taong may scoliosis kung malala na ang kaso nito.
Payo naman ng board-certified, fellowship-trained orthopedic spine surgeon at founder ng International Spine Institute na si Marco Rodriguez, MD, na maaaring subukan ang regenerative stem cell therapy upang ibsan ang sakit na nararamdaman sa likod upang maiwasan ang seryosong operasyon. “Qualified at selected” na pasyente nga lamang ang maaaring sumailalim dito.