Siguradong mapapawi ang pagod habang pinagmamasdan ang paligid mula sa tuktok ng bundok.
Ni: Eugene B. Flores
ISA ka ba sa mga taong mahilig pumunta sa iba’t-ibang lugar? O isa ka sa mga hanggang plano lang sa pagpunta?
Isa sa kinahuhumalingan ngayon ng nakararami ay ang pag-akyat sa mga bundok o hiking upang pagmasdan mula sa itaas ang likha ng Maykapal. Mabisa rin itong ehersiyo at tiyak na kagigiliwan lalo na’t kasama ang barkada. Ilan sa mga popular na destinasyon na malimit dayuhin ay ang mga bundok sa Rizal at Batangas na napapaligid sa sentro ng industriya at kalakalan, ang Maynila.
Alin ka man sa nabanggit, tiyak na makatutulong sa pag-akyat sa bundok ang mga bagay na dapat isaalang-alang at dalhin bago lumarga kasama ang barkada.
Unang-una, tiyakin na kaya ng katawan ang gagawing aktibidad
Hindi mo gugustuhing maging pabigat sa pag-akyat sa matarik na bundok. Ang mga may problema sa paghinga at iba pang sakit ay inaabisuhan na huwag tumuloy o kung hindi naman ay magdala ng gamot upang maiwasan ito.
Nararapat din na alamin muna ang destinasyon, dahil sa makabagong teknolohiya makikita na sa social media ang mga lugar na nais puntahan maging ang mga taong nakaakyat na rito at nagbigay ng kanilang karanasan.
Kinakailangan ang tour guide na sasama sa pag-akyat sapagkat alam ng mga ito ang daan paakyat
Tiyakin na huwag lalayo sa mga ito at sundin ang kanilang mga paalala.
Huwag maging pasaway
May kaakibat na panganib ang ganitong uri ng aktibidad kung kaya’t upang maiwasan ito, maging disiplinado at alerto.
Magdala ng maraming tubig, damit, sombrero at first-aid kit
Ito ang mga punganahing kailangan sa pag-akyat. Maari ring idagdag dito ang camera upang makuhaan ang ganda ng kapaligiran, gayon din ang pagdadala ng plastic o lagayan ng basura.
Madalas na problema ang kalat sa ganitong mga gawain na nagreresulta sa pagkasira ng kalikasan at ang kapabayaan na nagreresulta sa sunog.
Ang biyayang ipinagkaloob sa atin ng walang kapalit ay nararapat suklian ng pag-aalaga at pag-iingat.