Ni: Louie C. Montemar
MINSAN sa isang pulong sa Kongreso, tinawag ng environmental advocate at lawyer na si Antonio Oposa ang Maynila na isang malaking “toilet bowl.”
Mas matindi pa nga ang nais kong itawag dito— ito ay isang malaking poso negro. Isang septic tank.
Ang poso negro ay isang tangke o ipunan, karaniwan sa ilalim ng lupa, kung saan ang sewage o dumi mula sa tao ay nakokolekta at inaasahang mapapabulok sa pamamagitan ng bacteria bago mapakalat o mapadaloy papatak-patak sa isang leaching field.
Sa Maynila, maraming poso negro ay simpleng hukay lamang sa ilalim ng mga bahay kung saan naiimbak ang sewage.
Ang naipong mga dumi natin sa ilalim ng mga bahay sa Maynila ay kumakalat hanggang sa pinagmumulan ng ating inuming tubig sa ilalim ng lupa. Umaabot din ito hanggang Manila Bay.
Sinasabi na may mga sewage systems nga na direktang naglalabas na lamang ng dumi sa Manila Bay
Sa usapin ngayon tungkol sa labis na karumihan ng Manila Bay, napag-uusapang muli ang pangangailangan ng tunay na sewage system sa Maynila at hindi lamang ng mga poso negro.
Sa isang mainam na sewage system, may treatment dapat ng magkahalong dumi at tubig upang malinis ang tubig bago ito maibalik sa kapaligiran. Walang naging ganitong sistema kailanman sa Maynila. Simpleng pagtapon lamang talaga ng dumi sa kalikasan ang ating ginawa at ginagawa hanggang ngayon.
Pahayag ni dating Mayor Lito Atienza, may pagkukulang daw ang mga water service providers gaya ng Maynilad at Manila Water na dapat na nagbuo ng sewage system ng Maynila bilang tungkulin nila sa kanilang mga prangkisa.
Sa 1991 Local Government Code, malinaw na nasa kamay ng mga lokal na pamahalaan ang responsibilidad para sa pangangalaga sa kalikasan, at kung gayon, para sa bagay na ito.
Nawa’y mapanagot ang dapat mapanagot. Sa paglilinis ng Manila Bay, kailangan ding linisin ang ating sistema ng pamamahala.
Kung ang Maynila ay poso negro, ang mga mananagot ang tunay na dumi sa ating lipunan.