Ang kabiguan ay tiyak na masakit ngunit nagpapalakas sa atin.
Ni: Eugene Flores
HINDI lingid sa kaalaman natin ang dulot na kalungkutan at hindi maipaliwanag na nararamdaman tuwing nakararanas ng hindi kaaya-ayang resulta o pangyayari.
Ang mga katagang, “saan ako nagkulang?” “wala akong halaga,” ang ilan sa mga paulit-ulit na naririnig ng ating utak na syang kadalasang nagreresulta sa malubhang kalungkutan at mas malala, depresyon.
Sa henerasyon na mas lalong niyakap ang kultura ng silangan, paano ba natin maibabalik at mapapanatili ang positibong pananaw at pag-uugali na siyang nagpapakilala sa mga Pinoy.
Unang-una, kailangan nating tanggapin ang nangyari. Huwag natin itong itago at itanggi, maaring hindi ito madali, ngunit ito ang unang hakbang sa pagbangon muli. Ayon nga sa kasabihan, may dahilan sa bawat pangyayari sa ating buhay.
Pangalawa, akuin ang kasalanan at responsibilidad. Hindi kailanman nakakababa ang pag-amin sa kasalanan bagkus ito ay isang katapangan. Walang matagumpay na taong hindi nagkamali at bumagsak, lahat ay pinaghihirapan. At wika nga ni NBA superstar LeBron James, “You have to be able to accept failure to get better.”
Ikatlo, kailangan nating matuto sa pagkakamali at pagkakadapa. Hindi mali na balikan ang nangyari upang alamin kung saan nagkulang at nagkamali, huwag lamang mananatili sa nakaraan. Ang buhay ay serye ng leksyon na kailangan nating tandaan upang makapagpatuloy sa lakbay ng kinabukasan.
Ikaapat, ilagay ang sarili sa positibong aspeto. Mapupuno ng pagdududa at pangmamaliit sa sarili ang pagkabigo na kapag naglaon ay maaring lumala at mauwi sa depresyon. Hindi eksakto ang solusyon, ngunit kailangan nating kumapit sa mga positibong bagay na natitira sa ating buhay, maging ito man ay pamilya, kaibigan, libangan o ang ating sarili. Laging tatandaan, hindi natatapos ang buhay sa isang pagkabigo.
Ikalima, alisin ang takot. Ang pagkawala ng takot ay siyang pagkabuhay ng tiwala. Pananampalataya, ang bagay na lumalaban sa takot. Hindi sa lahat ng bagay maari tayong maniwala lamang sa ating nakikita, bagkus may mga bagay tayong pinaniniwalaan na nakatutulong sa ating mga laban. Ang pagkawala ng takot ay ang pagbubukas ng mga opurtunidad.
Ikaanim, magpokus sa sarili. Hindi pagiging makasarili ang paglalaan ng oras para sa sarili. Ito’y magandang hakbang upang muling maitayo at mapabuti ang estado ng sarili. Mula sa pagpopokus sa ikabubuti ng sarili, katuwang nito ang pagtulong sa ibang nakararanas ng ating naranasan.
At ang ikapito, magsimula muli. Sa bawat bagsak, kailangan nating tumayo mula sa tulong ng ibang tao o mula sa sarili nating mga lakas. Matapos matanggap ang nangyari, at sundan ang mga proseso tiyak na ang pagsisimula muli ay mas magreresulta sa matagumpay na paglalakbay.