Ni: Prof. Louie Montemar
ISIPIN natin kung mapagsasama-sama sa iisang pondo ang lahat ng koleksyon mula sa Sin Tax Law, 50 porsiyento ng pambansang pamahalaan mula sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), 40 porsiyento ng charity fund mula sa Philippine Office of Charity Sweepstakes pati na rin ang mga kontribusyon mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at mga paglalaan ng Department of Health (DOH). Kung ang lahat ng ito’y maibubuhos sa isang pambansang programang pangkalusugan, mas matitiyak natin ang pangangalaga sa lahat ng ating mamamayan, may kontribusyon man sa Philhealth o wala.
Isa lamang ito sa magandang probisyon na noong Nobyembre 2018 lamang ay matagumpay na naipasa sa Konggreso sa loob ng isang mungkahing-batas pangkalusugan—ang Universal Health Care Act.
Sa ilalim ng batas na ito, hinihingi rin ang di-bababa sa tatlong taong serbisyo sa mga pampublikong ospital o health centers ng lahat ng mga nakapagtapos ng medisina o mga kursong pangkalusugan mula sa mga pampublikong paaralan.
Magandang mga ideya ito, hindi ba?
Sa mga pag-aaral, ang ating bansa ang may pinakamataas na rate ng paglobo ng mga presyo ng mga gamot at serbisyong medikal sa buong Asya. Marami sa ating mga kababayan ang hindi man lamang natitignan ng mga doktor kung sila ay may karamdaman.
Sa panukalang batas na ito mas matitiyak para sa lahat ang serbisyong pangkalusugan na preventive, curative, at rehabilitative. Magagarantisa nito ang abot-kayang medikal na atensyon para sa lahat – sa bahay, sa trabaho, sa paaralan o sa kahit saan sa bansa sa pamamagitan ng kooperasyon at sinerhiya ng mga ahensya ng gobyerno, mga Local Government Unit, at ng pribadong sektor.
Itinakda mismo ng Pangulo bilang isa sa mga prayoridad dapat ng Konggreso ang panukalang batas. Inaasahan ng marami na malagdaan ito nitong Disyembre bilang pamasko sa sambayanan, subalit Pebrero na at wala pa tayong naririnig hinggil rito. Bakit kaya naaantala ang paglagda nito?
Sa bawat araw na lumilipas, hindi mabilang na kababayan natin ang nagangailangan sa pag-asang dala nito.