ALALAHANING paunang alamin ang tamang social support na ibibigay sa isang sitwasyon bago umaksyon.
Ni: Kristine Joy Labadan
ANG social support o pakikidamay ay ang emosyonal at pisikal na kalingang ibinibigay ng mga taong malapit sa’yo tulad na lang ng iyong pamilya, mga kaibigan at ka-trabaho upang tulungan kang magkaroon ng positibong pananaw sa mga oras ng kalungkutan o problema.
Ito’y nahahati sa apat at hindi pare-pareho ang epekto nito sa lahat ng tao. Maaaring mas kumportable kang makipag-usap sa isang taong papakinggan lamang ang iyong mga hinaing kumpara sa taong maraming payo na ibinibigay.
Emotional support:
Ang ganitong klase ng suporta ay may kasamang pag-aaruga galing sa kaibigan o kinakasama man tulad ng yakap, pagtapik sa balikat, kasama na rin ang pakikinig at pakikiramay upang maiparamdam sa iyo na ‘di ka nag-iisa sa iyong pinagdadaanan.
Esteem Support:
Ang pagpapahayag ng tiwala at pagbibigay sa’yo ng lakas ng loob ng ibang tao ay napapasailalim sa ikalawang klase ng suporta na ito. Maaaring ipaalala nila sa’yo ang mga bagay kung saan ka magaling at kung paano sila naniniwala sa kakayahan mo anuman ang mga sirkumstansya.
Informational Support:
Ito naman ang tipo ng suporta na sa mga oras na ikaw’y nagdududa, maaari kang bigyan ng mga payo o bahagian ng mga impormasyong posibleng makatulong sa kasunod na hakbang na pwede mong gawin.
Importanteng tandaan na malaki ang naitutulong ng suportang ibinibigay natin sa mga taong nasa paligid natin kahit gaano kaliit mang bagay ito ngunit mahalaga ring tandaan na ang hindi naaayong pagbigay ng suporta sa maling sitwasyon ay maaaring walang maidulot na mabuti at bagkus makapagpabigat pa sa problemang dinadala ng iba.