Ni: Prof. Louie Montemar
SA bagong batas ukol sa taripa sa bigas na nilagdaan na ni Pangulong Duterte — Rice Tariffication Law — aalisin na ang limitasyon sa dami (quantitative restrictions) ng inaangkat na bigas mula sa mga bansa ng Timog Silangang Asya. Papatungan na lamang ang mga ito ng 35 porsyentong taripa. Ang mga bigas naman mula sa ibang mga bansa ay papatawan ng mas mataas pang taripa kaysa dito.
Ayon sa mga nagsulong ng bagong patakaran, bababa daw ang presyo ng bigas sa lokal na pamilihan at titiyakin daw nito na may sapat na supply din sa buong bansa. Sa kabilang banda, ang pagbaha ng inangkat na butil ay banta naman daw sa mga lokal na magsasaka at mga negosyante, maging sa mga sektor pa nga sa labas ng agrikultura.
Sinasabi ng mga grupong tutol sa bagong batas na sa tunay na paglutas sa mataas na presyo ng palay at mga problema sa produksyon nito, dapat tiyakin ng pamahalaan ang mahigpit na pagsubaybay at regulasyon, at ang matamang pagpapaunlad sa lokal na produksyon ng palay o bigas.
Hindi raw sapat ang pagpapaprayoridad ng pamahalaan sa agrikultura, halimbawa na lamang, sa pagbabadyet para dito. Ang Kagawaran ng Agrikultura ay maaaring makatatanggap lamang ng P49.8 bilyon o 1.3% ng pambansang badyet para sa 2019. Baka lalo lamang humina ang sektor ng agrikultura sa kabila ng pangakong pagbaba naman ng presyo ng bigas para sa lahat.
At kung aasa tayo sa pag-angkat ng bigas, paano na ang food security ng bansa? Dapat tandaan na noong 2008, naghigpit ang Vietnam, India, at Pakistan sa kanilang mga pag-export ng bigas dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan. Paano tayo sa sitwasyong hindi sasapat ang maangkat nating bigas?
Hindi pa natatapos ang Implenting Rules and Regulation para sa nasabing batas. Baka naman may magagawa pa. Nawa ay mabalanse pa ng mga pinuno natin ang interes ng iba’t ibang sektor para sa ikagagaling ng lahat, sa pangmatagalan.