UP President Danilo Concepcion pinangunahan ang pagpirma ng memorandum of understanding ng Tsek.ph kasama ang mga heads at representatives ng mga media organization at university partners.
Ni: Jonnalyn Cortez
PANAHON na naman ng eleksyon, kaya kaliwa’t kanan ang nangangampanyang politiko. Samu’t-saring impormasyon ang naglalabasan ngayon ukol sa mga kandidatong tumatakbo sa iba’-ibang posisyon – may ilang totoo at meron ding walang katotohanan.
Kaya upang tulungan ang mga botante na beripikahin ang mga detalye na may kinalaman sa eleksyon, nagsanib pwersa ang mga media organizations at unibersidad upang gumawa ng isang platform kung saan maaaring mag fact-check.
Inilunsad itong collaborative fact-checking project na Tsek.ph sa University of the Philippines sa Diliman kamakailan.
Pinangunahan ni UP President Danilo Concepcion ang pagpirma ng memorandum of understanding kasama ng mga heads at representatives mula sa media at academic partners na Ateneo de Manila University at De La Salle University.
Sinimulan naman ng Journalism Department ng UP College of Mass Communications, Department of Computer Science ng UP College of Engineering at UP College of Law ang proyekto.
Sinabi ng dean ng College of Mass Communication at UP Vice President for Public Affairs Elena Pernia sa opening remarks sa signing ng MOU na hindi madaling gawin ang fact-checking, ngunit kinakailangan.
Sa isang press release, sinabi ng pamunuan ng UP na umaasa silang maiiwasang maulit ang nangyari noong 2016 election kung kailan laganap ang pagkalat ng fake news, mga hoax at iba pang uri ng disinformation upang impluwensiyahan ang mga botante, linlangin ang publiko at baliwalain ang mga debate.
Ang Tsek.ph ay magpopokus sa fact checking ng mga plataporma at pangako ng mga kandidato, mga pahayag nila, personalidad, ahensya ng gobyerno, at iba pang mga entities na may kinalaman sa midterm elections. Kabilang din dito ang mga posts sa social media, blogs at iba pang platform.
TSEK.PH layuning tulungan ang mga botante ng mag fact-check ng mga kandidatong nais nilang iboto.
PAANO GUMAGANA ANG TSEK.PH?
Nilalagyan ng akmang rating ang bawat istorya at balita na nakalagay sa Tsek.ph.
“The verified claims will then be given ratings in relation to the degree of their veracity, falsity and completeness,” pahayag ng UP.
Ang mga rating na ito ay “accurate” para sa tamang impormasyon, “needs context” kung kinakailangan pa ng karagdagang detalye upang beripikahin ang pahayag, “misleading” kung nagbibigay ng maling ideya o impresyon at “no basis” kung mali ang nilalaman.
Pinaliwanag ni UP Journalism Department chair Rachel Khan, na siyang nagsimula ng proyekto, na kailangan ang iba’t-ibang ratings ng mga istorya at balita dahil hindi laging pareho ang “disinformation” at “misinformation.”
“Precisely why we have to rate it so people can differentiate the levels of disinformation,” pahayag nito. Dagdag pa niya, ang tunay na pahayag ng isang tao ay maaari pa ring maging walang katotohanan kung wala ito sa konteksto.
“We’re hoping to provide a one-stop shop for the public to have a way to find out what the truth is or verify information given out during the campaigns,” pahayag ni Khan.
“We’re hoping to show that media can be trusted, as a partnership we can work together and bring out information that is true, credible and reliable for the public.”
Maaaring mag-submit ang gumagamit ng platform ng kanilang mga “claims” para sa beripikasyon. Maari ring alamin ang iba pang mga bagay tungkol sa proyekto sa pamamagitan ng pagbisita sa www.tsek.ph
TSEK.PH, inilunsad ngayong mag-eeleksyon upang makilatis ng mga botante ang mga kandidato.
KOOPERASYON NG MGA PARTNERS
Bukod sa Ateneo de Manila University at De La Salle University, nakikipagtulungan din sa pagbuo ng Tsek.ph, ang mga media organizations tulad ng The Philippine Star, Philstar.com, Interaksyon, ABS-CBN, Central Luzon TV (CLTV36), MindaNews, Probe productions, Rappler at VERA Files.
Iniimbitahin din ang iba pang mga media corporations na sumali sa proyekto.
Suportado din ng Facebook Journalism Project ang Tsek.ph, kasama ang non-profit social technology company Meedan at Macanas Journalism Grant.
Paliwanag ni Khan, ang mga akademya ang bahalang mag-coordinate sa pagbuo ng website habang ang mga media partners naman ay kanya-kanyang kikilos, ngunit mag-aambag-ambag sa pagbibigay ng tamang impormasyon para sa fact-checking.
“Academe and the media partners will be working together in terms of the delivery of the checked or assessed material. Each one will still be working on their own but will contribute to the body of fact-checked information,” wika ni Khan.
Papel naman ng UP na i-coordinate ang mga partner ng proyekto.
Parehong verified signatories ng Code of Principles ng IFCN ang Rappler at Vera Files. Kabilang din sila sa third-party fact-check partners ng Facebook.
KAHALAGAHAN NG FACT-CHECKING
Sinabi ni Pernia na mahalaga ang fact-checking lalo na ngayong eleksyon dahil maaari itong makatulong sa pag-dedesisyon ng mga botante kung sino ang kanilang iboboto.
“This is exactly the ideal situation when the guardians of fact, the newsgroups, actually all come together to make sure that truth is protected and that lies are debunked,” wika naman ni Rappler CEO Maria Ressa.
Dagdag naman ni CLTV 36 news producer Paolo Santos na sa pamamagitan ng Tsek.ph, maaari na nilang ma-monitor ang mga claims na may kaugnayan sa eleksyon.
“Dito kami huhugot ng mga mahahalagang impormasyon lalung-lalo na bilang kabahagi ng mga educational institution sa Central Luzon,” pahayag nito.
Sinabi naman ng UP na kailangan ng mga botante na malaman ang mga tamang impormasyon na maaaring maging basehan ng kanilang desisyon, suriin ang katangian ng mga kandidato at magkaroon ng reliable media platforms kung saan pwedeng malayang talakayin at usisain ang katotohanan upang suportahan ang demokrasya.